MIYEMBRO NG BORATONG AT KFR TODAS SA PNP-AKG

NAPATAY ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group ang isang umano’y kilabot na miyembro ng kidnap for ransom group at hinihinalang hitman ng Amin Imam Boratong drug syndicate nitong Miyerkoles ng madaling araw sa Brgy. Poblacion 4, Tamarac, Lanao del Sur.

Ayon kay PNP-AKG Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, napatay ng kanyang mga tauhan si Aleman Bantuas Boratong alyas Boy Negro, itinuturing na isang armed and dangerous personality at may sariling mga tauhan.

Sa impormasyong ibinahagi sa SAKSI NGAYON ni B/Gen. Estomo, nabatid na si Aleman Bantuas Boratong ay kasapi ng kilabot na Abul Radia KFRG at high profile member ng Amin Boratong drug group na siyang nasa likod ng kontrobersyal na Pasig shabu tiangge.

Ayon kay Major Ronaldo Lumactod, tagapagsalita ng PNP-AKG, bandang alas-3:30 ng madaling araw, sinalakay ng mga tauhan ng PNP AKG-MFU Iligan Satellite Office, na pinamumunuan ni P/Col. Alex C. Fulgar, ang pinagkukutaan ni Boy Negro sa Brgy. Poblacion 4, Tamarac, bitbit ang iba’t ibang warrant of arrest mula sa iba’t ibang korte sa ibat ibang kaso.

Pahayag ni Fulgar, papalapit pa lamang sila sa pinaglulunggaan ni Boratong ay sinalubong na sila ng sunod-sunod na putok at talaga walang balak na magpahuli nang buhay ang suspek kaya napilitang gumanti ng putok ang mga pulis.

Kasama ng PNP-AKG sa isinagawang law enforcement operation ang mga tauhan ng  Police Intelligence Unit ng LDSPPO, Police Mobile Force Company ng  LDSPPO, PDEU/PSOG LDSPPO, RIU10, RIU15, 1403rd RMFB, 103rd PNP-SAF, 12 SAC PNP-SAF at kinatawan ng Pasig City Police Office, NCRPO.

Nagawa pang madala sa Global Hospital sa Poblacion, Tamparan, Lanao Del Sur ang suspek ngunit idineklarang dead on arrival ng hospital attending physician.

Si Boy Negro at ang mga tauhan nito ang itinuturong responsable sa pagdukot sa isang Narija Saldivar, isang negosyante sa Iligan City noong 2010.

Sangkot din ang grupo sa pagkidnap kay Hadji Zainal Datumanong sa Marawi City noong  Marso 19, 2017;  pagdukot kay Engr. Liling Lanto Ibrahim sa Marantao, Lanao Del Sur  noong  Hulyo 12, 2017, at sa pagpatay at paglikida sa ilang PNP and AFP personnel sa lalawigan ng  Lanao Del Sur at kalapit na lalawigan.

Bukod sa cal. 45 pistol na may serial No. 986347, at mga bala ay nasamsam din ng mga awtoridad ang anim na sachet ng shabu mula sa suspek. (JESSE KABEL)

292

Related posts

Leave a Comment