Sa SSS, PhilHealth, Pag-IBIG VOLUNTARY DEDUCTIONS SA GOV’T COS, JO WORKERS APRUB KAY PBBM

NAGPALABAS si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Administrative Order No. 43 na naglalayong palawakin ang social protection coverage ng mga contract of service (COS) at job order (JO) workers sa pamahalaan.

Sa ilalim ng kautusan, pinapayagan ang voluntary deduction at remittance ng kontribusyon sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at Pag-IBIG Fund mula sa kompensasyon ng mga COS at JO workers, batay sa kanilang pagsang-ayon.

Saklaw ng AO ang lahat ng departamento, ahensya, bureau, tanggapan at instrumentalities ng national government na may COS at JO workers, kabilang ang government-owned or -controlled corporations (GOCCs) at state universities and colleges (SUCs).

Hinikayat din ang mga local government units (LGUs) na sundin ang mga probisyon ng kautusan.

Inatasan ang mga kinauukulang ahensiya na magtatag ng angkop na mekanismo upang maisama ang mga COS at JO workers sa voluntary contribution system at mabigyan sila ng sapat na impormasyon hinggil sa available na social protection coverage.

Kailangan din umanong tiyakin ng mga ahensiya ang napapanahong pag-remit ng mga nakaltas na kontribusyon sa SSS, PhilHealth at Pag-IBIG Fund at magsagawa ng kinakailangang kasunduan sa mga institusyong ito para sa maayos na pagpapatupad ng programa.

Binigyang-diin sa AO na ang voluntary deduction at remittance ng kontribusyon ay “shall not alter, amend, or modify the existing contractual relationship” sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at kanilang COS o JO workers.

Samantala, inatasan ang Department of Budget and Management (DBM), Civil Service Commission (CSC), Commission on Audit (COA), SSS, PhilHealth at Pag-IBIG Fund na magkatuwang na

magpalabas ng kinakailangang rules, guidelines at accounting procedures para sa epektibong implementasyon ng kautusan.
Ang AO ay nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto, sa pahintulot ni Pangulong Marcos, noong Hunyo 3, 2026.

(CHRISTIAN DALE)

60

Related posts

Leave a Comment