NAKIKIPAGTULUNGAN ngayon ang Philippine Army sa Philippine National Police para matukoy at madakip ang mga responsable sa likod ng pananambang sa tatlong sundalo na ikinamatay ng isa at malubhang ikinasugat ng dalawang kasamahan nito, sa bayan ng Indanan sa lalawigan ng Sulu.
Ayon sa ulat, sakay ng single motorcycle ang tatlong sundalo nang dikitan ng dalawang hindi pa nakikilalang gunman at pagbabarilin ang mga biktima habang binabaybay ang national highway sakop ng Sitio Kasambuhan, Barangay Tagbak, sa bayan ng Indanan noong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ng Indanan PNP ang nasawi na si Army Cpl. Aldrin Wanson, 34-anyos, ng 41st Infantry Battalion, 11th Infantry Division, tinamaan ng bala sa ulo.
Habang ang kasamahan nitong si Cpl. Philip Wiga, 31, ay tinamaan ng bala sa paa at batok, at may tama naman ng bala sa kanang hita si Cpl. Benjie Jacinto, 33-anyos.
Pawang itinakbo sa Kuta Heneral Teodulfo Bautista Station Hospital ang dalawang sugatang sundalo para malapatan ng lunas
Lumitaw sa inisyal na pagsisiyasat ng mga pulis, papunta ang mga biktima sa 11th Division Training School bandang alas-8:15 ng umaga nang sundan at dikitan ng mga suspek.
Pagsapit sa Barangay Tagbak, pinaputukan ng mga suspek ang mga sundalo gamit ang .45 caliber pistol, saka mabilis na tumakas papalayo sa crime scene.
Agad na kinondena ng 11th Infantry “Alakdan” Division (11ID) ang umano’y karuwagan na ipinakita ng mga suspek laban sa mga sundalo.
“Security and investigative efforts are ongoing in coordination with the appropriate authorities to identify and locate those responsible and determine the motive behind the attack,” ayon sa pamunuan ng 11ID.
(JESSE KABEL)
59 