ISINARA pansamantala ang bahagi ng dalawang malaking ospital sa Lungsod ng Antipolo nang magpositibo sa COVID-19 ang ilan sa kanilang health workers.
Sinabi ni Antipolo City Mayor Andrea “Andeng” Ynares, alas singko ng hapon noong Martes ay naglimita na sila ng mga pinapapasok sa OB at Pedia departments ng Rizal Provincial Hospital System -Antipolo Annex 1.
Hindi na rin muna pinapayagan ang mga operating room (OR) procedures dahil sa isasagawang disinfection ng OR/DR/NICU complex.
Nitong Miyerkoles hapon ay naibalik na ang operasyon ng mga nasabing bahagi ng naturang ospital matapos ang pag-disinfect.
Isinarado rin ang emergency room at outpatient department (OPD) at tigil muna ang pagtanggap ng bagong admissions o pasyente sa Rizal Provincial Hospital System – Antipolo Annex 2 para naman sa tatlong araw na disinfection activities sa buong ospital.
Bukod sa disinfection activities, sinimulan na rin ang contact tracing activities sa mga nakasalamuha ng mga nagpositibong hospital staff.
Sa Biyernes na magbubukas muli ang naturang ospital. (CATHERINE CUETO)
138
