CABUYAO, Laguna – Hindi na umabot na buhay sa pagamutan ang isang motorcycle rider makaraang sumemplang sa kahabaan ng highway sa Barangay Banay-banay, Huwebes ng gabi.
Sa paunang ulat ng Cabuyao Police Station, dead on arrival sa Ospital ng Cabuyao ang biktimang kinilala sa pangalang Eduardo Castillo matapos hindi sinasadyang sumemplang ang minamanehong motorsiklo ilang saglit matapos mag-overtake sa kanang bahagi ang isang jeep na minamaneho naman ng isang Risty Castro sa kahabaan ng national road.
Kwento ng mga saksi, nawalan ng control ang rider hanggang sa sumemplang sa mismong kalsada.
Gayunpaman, hindi sinabi kung nahagip ng nag-overtake ng jeep ang motor na minamaneho ng biktimang nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan na ayon sa mga doktor ay posibleng dahilan ng kanyang mabilis na pagpanaw.
Nasa ilalim na ng kustodiya ng pulisya ang suspek. (NILOU DEL CARMEN)
397 