MT. KAMUNING FOOTBRIDGE PINATATANGGAL NA! KALBARYO NG OFWs AT BOC ‘DI MATATAPOS KUNG WALANG BATAS!

RAPIDO ni PATRICK TULFO

SA wakas ay ipinag-utos na ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagpapaalis ng kontrobersyal na footbridge sa Kamuning sa Quezon City.

Naging viral nga itong tulay na ito dahil sa sobrang taas ay tila wala nang may lakas na umakyat dito.

Mas pinipili ng mga pedestrian na makipagbuno sa dumaraang mga sasakyan sa ilalim kaysa akyatin ang napakataas na tulay, kaya ito binansagang Mt. Kamuning.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), papalitan nila ito ng mas mababang footbridge at lalagyan ng elevator. Ito ay upang matiyak na ligtas itong daanan lalo na ng mga senior at PWDs (persons with disability).

Napapanahon na para ayusin ng ating gobyerno ang mga tulay at daanan ng mga tao dahil talaga namang napag-iiwanan na tayo ng mga bansang kalapit natin sa Asya, pagdating sa mga imprastraktura.

Sa ganitong paraan ay makita rin ng taxpayers, na katulad ko, kung saan napupunta ang buwis na aming binabayaran.

**

Sa kabila ng paglabas ng mga balikbayan box na inabandona ng Tag Cargo sa Davao at dito sa Maynila, marami pa rin ang dumagdag na mga cargo company na patuloy na nag-aabandona ng mga ipinadalang balikbayan box.

Kabilang na rito ang Cargo Plus sa Subic, Family Cargo na abandonado, at itong Otsuka Freight Forwarders na hindi mailabas ang mga container sa Bureau of Customs.

Hindi matatapos ang mga problema ng BOC at mga OFW sa balikbayan box kung hindi makagagawa ng mahigpit na panuntunan para sa mga cargo company na magpapasok ng mga container sa bansa.

Hindi sapat na alamin lamang ang background ng mga cargo company na ito, dapat ay hingan ng BOC ng bond o paunang pondo ang mga kumpanyang ito upang maiwasang mag-abandona ang mga ito.

Sa ganitong paraan ay sila mismo ay magdadalawang isip na mag-abandona dahil sa bond na kukunin ng gobyerno sakaling iwan nila ang obligasyon sa ipinadalang mga container. Sa ganitong paraan ay mapoprotektahan ang mga balikbayan box na pinaghirapang punuin ng mga OFW.

23

Related posts

Leave a Comment