MULTA, IMPOUND SA PASAWAY NA HABAL-HABAL

NAGBABALA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pagmumultahin ng anim na libong piso ang mga habal-habal na patuloy na bumibiyahe sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon dahil sa COVID-19.

Ani MMDA Spokesperson Celine Pialago, may mga habal-habal pa ring bumibiyahe sa Metro Manila at lumalabag sa ipinatutupad na social distancing.

Ngayong suspendido ang biyahe ng mga pampublikong sasakyan tulad ng MRT, LRT, bus, jeepney, taxi, ay pumupuslit ang ilang rider para bumiyahe para kumita.

Dahil dito, sinabi ng MMDA na ang mga mahuhuli ay hindi lang pagmumultahin kundi ii-impound din ang kanilang motorsiklo.

Ayon pa kay Pialago, umaamin ang sakay ng mga nahuhuling habal-habal na nagbabayad sila ng P300 sa pamasahe. JOEL O. AMONGO

270

Related posts

Leave a Comment