BINALAAN ni Senador Risa Hontiveros ang mga pagamutan na posibleng maharap sa malaking multa at pagkakulong kung manghihingi ng deposito sa mga emergency patient.
Ipinaalala ni Hontiveros na nakasaad sa Republic Act No. 10932 o ang “Anti-Hospital Deposit Law” na ipinagbabawal ang paghingi ng deposito bago bigyan ng treatment ang pasyente.
“Mas mahalaga ang buhay ng tao kesa sa kita ng iilan, lalo na ngayong panahon ng matinding krisis. Hospitals must comply with the law and must not withhold live-saving medical treatment from persons who need it the most – …. or face legal penalties for doing so,” saad ni Hontiveros.
Ginawa ng senador ang babala kasunod ng mga impormasyon na maraming pagamutan ang tumatangging mag-admit ng pasyente nang walang inisyal na deposito. “Hindi katanggap-tanggap ang ganitong kawalan ng puso at pagkalinga sa mga kababayan natin. These cases are clear violations of the Anti-Hospital Deposit Law, and I urge the Department of Health (DOH) and our law enforcement agencies to immediately investigate and charge those legally liable for these incidents,” diin ng mambabatas.
Alinsunod anya sa batas, mahaharap sa pagkakulong ng hanggang anim na taon o multang aabot sa P1 milyon ang sinomang opisyal ng pagamutan na lalabag dito. Ang empleyado naman na pangunahing manghihingi ng deposito ay mahaharap sa pagkabilanggo na hanggang dalawang taon at apat na buwan at multang aabot sa P300,000.
Tatanggalan naman ng lisensya ang pagamutan kapag tatlong beses na itong nasangkot sa ganitong pangyayari. (Dang Samson-Garcia)
239 