BAGAMA’T mahigit isang buwan nang ipinatutupad ang enhanced community quarantine, ‘namumuti pa rin ang mata’ ng mga barangay health worker sa ipinangakong tulong ng gobyerno sa kanila.
Ito ang napag-alaman kay BHW party-list Rep. Angelica Natasha Co kaya umapela ito sa Inter-agency task force (IATF) na bilisan ang pagbibigay ng Social Amelioration at Special Risk Allowance sa mga barangay health worker na kanilang ipinangako sa mga ito.
Ayon sa mambabatas, tulad ng mga doctor, nurse, iba pang empleyado ng mga ospital, sundalo, pulis at mga officials, frontliners din aniya ang mga barangay health worker sa laban kontra sa COVID-19.
Kuwalipikado aniya ang mga ito na makatanggap ng ayudang nabanggit dahil tulad ng lahat ng mamamayan, may pamilya ang mga ito at apektado rin ang kanilang kabuhayan.
Gayunpaman, hindi pa rin umano nakatatanggap ng tulong pinansyal ang mga barangay health worker gayung itinataya rin umano ng mga ito ang kanilang kaligtasan.
PINAG-IINITAN, BINABANTAAN
Isiniwalat din ni Co na marami sa mga barangay health worker ang pinag-iinitan at pinagbabantaan ng mga taong hindi nakasama sa listahan ng mga nabigyan ng SAP lalo na sa mga probinsya.
“Sapagkat ang BHWs ang nagbabahay-bahay upang maihatid ang primary care services sa komunidad, hindi maiiwasang sila ang napagbubuntunan ng sisi at napagbubuhusan ng galit ng mga kabarangay nilang hindi kasali sa listahan ng mga makatatanggap ng ayudang SAP,” ani Co.
Nilinaw ng mambabatas na hindi ang mga barangay health worker ang gumawa ng listahan ng mga taong binigyan ng SAP kundi kalusugan ng kanilang mga kabarangay lang ang kanilang misyon subalit sila umano ang nanganganib ang buhay. BERNARD TAGUINOD
330 