HINILING ni Senador Grace Poe sa kaukulang komite sa Senado na magsagawa ng imbestigasyon sa patuloy na text scams at paggamit ng mga ilegal na POGO operations ng libu-libong SIM sa kabila ng ipinatutupad na Mandatory SIM Registration Law.
Inihain ni Poe ang Senate Resolution 745 na humihiling na pagpaliwanagin ang telecommunications company o telcos at ang mga ahensyang nangunguna sa implementasyon ng Mandatory SIM Registration Act kaugnay sa patuloy na paglipana ng text scams.
Partikular na ipatatawag ang National Telecommunications Commission, Department of Information and Communications Technology, at Department of Trade and Industry.
Aalamin sa imbestigasyon kung paanong nagkaroon pa ng sangkatutak na SIM ang mga sangkot sa ilegal na POGO.
Tutukuyin din kung ang mga nakuhang SIM ay nakarehistro at kung nairehistro ay bubusisiin kung gumamit ba rito ng pekeng pangalan o may nagbenta ng kanilang identity.
Tinukoy sa panukala ang ni-raid kamakailan na POGO hub sa Las Pinas kung saan may nakumpiskang 80,000 SIMs, habang sa isang POGO facility sa Pasay ay nasa 28,000 SIMs ang nasamsam.
Ang mga nasabat na SIM sa mga POGO ay nagagamit umano sa pang-iiscam at cyber fraud.
(DANG SAMSON-GARCIA)
