Nais nang makipagkalas 18-ANYOS, PINATAY NG LIVE-IN PARTNER

LAGUNA – Patay ang isang 18-anyos na babae matapos na ito at ang kanyang pinsan ay pagsasaksakin ng live-in partner ng una sa Brgy. Langkiwa, Biñan City sa lalawigang ito, noong Miyerkoles ng madaling araw.

Kinilala ang biktimang napatay na si Rochelle Ann Flores, isang estudyante, may tatlong tama ng saksak sa katawan.

Sugatan naman ang 14-anyos na pinsan  nito na si Jimsher Soriaga na kasama nitong nakatira sa bahay.

Batay sa report ng Biñan City Police, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang pwersahang pasukin ng 21-anyos na suspek na si John Dave Bernabe ang bahay na tinutuluyan ng mga biktima at unang sinaksak ang ka-live-in at saka isinunod ang pinsan.

Mabilis itong tumakas matapos ang pananaksak subalit agad ding naaresto sa follow-up operation ng mga pulis sa Baclaran, Parañaque City.

Ayon kay P/Lt. Col. Virgilio Jopia, hepe ng Biñan City Police, nagkakalabuan na ang dalawa at gusto nang humiwalay ng biktima na ikinagalit ang suspek .

Nakakulong na ang suspek sa Biñan City Police Station locked-up cell at sinampahan ng mga kasong murder at frustrated murder. (NILOU DEL CARMEN)

238

Related posts

Leave a Comment