BATAS SA PROTEKSYON NG CONSUMERS ‘DI SAPAT

KAILANGAN nang maimbestigahan ng Senado ang mga naglipanang kaso ng mga pagnanakaw gamit ang mga na-hack na credit card, debit card o online bank accounts.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, bagama’t may mga kaukulang batas na umiiral na para pangalagaan ang kapakanan ng mga konsyumer katulad ng Access Devices Regulation Act, Electronic Commerce Act, Cybercrime Prevention Act, Consumer Act of the Philippines, at Data Privacy Act, hindi na sapat ang mga ito para ihinto ng mga kriminal ang panlilinlang sa mga tao sa mga gawaing tulad ng phishing at hacking o pagnanakaw ng mga personal na impormasyon ng kanilang mga nabibiktima.

Isinusulong ni Gatchalian na nagsabing layon nito na mapunan ang kakulangan sa batas na nagbibigay ng proteksyon sa publiko laban sa mga hacker.

Magugunitang idinulog ni Gatchalian sa National Bureau of Investigation (NBI) ang na-hack nitong credit card na ginamit sa pagbili ng mga alak na nagkakahalaga ng higit isang milyong piso sa pamamagitan ng isang food delivery app na napag-alaman ng senador na sunud-sunod na pala ang ganitong klase ng modus nitong mga nakaraang buwan.

Tumambad sa official email at Facebook accounts ng senador ang mga samu’t saring reklamo katulad ng naranasan niya noong Miyerkoles, ilang minuto lang matapos nya itong isiwalat sa publiko.

“Sa kabila ng pagkakaroon natin ng mga mekanismo, lumalabas na hindi sapat ang mga ito kaya’t patuloy na naisasakatuparan ng mga kawatan ang ganitong klase ng pagnanakaw,” ani Gatchalian.

Bunsod na rin ng paglaganap ng COVID-19 na nagpausbong sa mga bagong application software at makabagong pamamaraan ng pamimili online o cashless transactions, sinabi ni Gatchalian na maaring may mga aspeto sa mga ganitong klase ng transaksyon na hindi sakop ng mga umiiral na batas.

“Obligasyon ng mga bangko at kumpanyang nag-aalok ng mas magaan na electronic transactions na garantyahan ang kapakanan at seguridad ng kanilang mga kliyente, pati na rin ang kanilang mga personal na impormasyon. Kung nag-a-upgrade man sila sa kanilang mga inaalok na serbisyo, pihadong mapangahas din ang masasamang loob para lang maisakatupan ang kanilang pagnanakaw. Dapat ay mayroon ding mekanismo ang industriya ng mga bangko upang agarang matugunan ang mga hinaing o reklamo ng kanilang mga customers,” ani Gatchalian. (NOEL ABUEL)

95

Related posts

Leave a Comment