Caloocan City Hall at PNP isinalya ang PCSO sa talamak na sugalan ‘RENEL’, ‘TITA’, ‘BOYONG’ AT ‘TISAY’ PROTEKTADO?

(NELSON S. BADILLA)

MISTULANG isinalya sa Caloocan City ng administrasyon ni Mayor Oscar Malapitan at ni Chief of Police (COP) Samuel Mina ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) dahil malakas ang “bookies” ng “EZ2” at “lotteng” sa lungsod.

Sa halip na mamayagpag ang EZ2 at lotteng ng PCSO upang kumita nang malaki ang pamahalaan ay ang mga gambling lord na sina alyas “Renel”, alyas “Boyong” at alyas “Tisay” ang totoong kumakabig ng malaking kubransa araw-araw.

Ayon sa source, umaabot ito mula P280,000 hanggang P400,00 o higit pa.

Nilinaw ng source na magkakalaban, o magkakakumpitensiya sina Renel, Boyong at Tisay sa EZ2 at lotteng.

Kung namamayagpag ang bookies ng kani-kanilang sugal na ang pinagbatayan ng mga nanalong numero ay ang mga nanalo sa EZ2 at lotteng ng PCSO, nangangahulugang hindi agresibo si Colonel Mina laban sa kanila, samantalang malinaw na ilegal na sugal ang negosyo ng tatlo.

Hindi rin aktibo ang administrasyon ni Malapitan, dahilan upang hindi maiwasang pagdudahang mayroong “basbas” nito ang nasabing ilegal na mga pasugal.

Sa pamamayagpag ng mga ilegal na sugal sa Caloocan kahit ngayong nananalasa pa rin ang coronavirus disease-2019 (COVID-19) ay nakalalamang si alyas Renel kina alyas Boyong at alyas Tisay dahil mayroon pang jueteng ang una.

Iginiit ng source na si alyas “Reyna” ang ‘susi’ sa pagpasok ni Renel sa Caloocan.

Si Reyna ang itinuturong pinansiyer ni Renel.

Binanggit ng source na malakas ang ‘kapit’ ni Reyna sa National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa kamag-anak niyang “kernel” ang ranggo.

Ang apelyido ni Reyna ay mayroong titik ‘M”.

Malakas daw kay NCRPO Director Major General Vicente Danao Jr. ang nasabing kernel na kaanak ni Reyna, tumbok ng source.

Si Reyna ay matagal nang pasok sa ilegal na sugal na bookies sa small town lottery (STL) ng PCSO.

Napakalakas ng bookies ni Reyna sa Laguna at iba pang lalawigan sa Calabarzon.

Kilala siya sa tawag na alyas “Tita” sa Laguna at sa buong Calabarzon.

101

Related posts

Leave a Comment