DIOKNO NA ‘UTAK’ NG MAANOMALYANG P3.7-T 2019 BADYET PINASISIBAK

DIOKNO-2

(Ni BERNARD TAGUINOD)

NAGALIT ang mga kongresista kay Secretary Benjamin Diokno sa pagiging ‘utak’ nito sa pagsingit ng multi-bilyong pork barrel sa mungkahing P3.757 trilyong badyet ng administrasyon sa susunod na taon na siya lamang ang nakakaalam, kaya pormal nilang hiniling kay Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin na ang opisyal sa Department of Budget and management (DBM).

Sa pamamagitan ng viva voce voting, inaprubahan sa plenaryo ng mababang kapulungan kahapon ang House Resolution (HR) 2365 o “Resolution urging the Office of the President to reconsider the appointment of Honorable Benjamin Diokno as Secretary of Department of Budget and Management base on the finding during the Question Hour.”

Walang tumutol kahit isang mambabatas sa resolusyon na inakda ni House minority leader Danilo Suarez.

Inilabas ang resolusyon isang araw matapos humarap sa “Question Hour” si Diokno kung saan dinikdik ito sa P75 bilyong isiningit ni Diokno para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang matindi sa nadiskubre ng mga mambabatas ay P51 bilyon lamang ang orihinal na pork barrel sa iba’t ibang distrito ng ilang kongresista para sa mga proyekto ng DPWH, ngunit lumobo ito sa P75 bilyon.

Nabatid ng mga kongresista na wala umanong alam si DPWH Secretary Mark Villar sa pagsingit ng P75 bilyong pork barrel.

“Whereas, such insertion, if proven, is illegal and ultra vires for it by passed the authority of the President through its line agencies to submit proposed budget for 2019,” ayon sa HR 2365.

Bukod sa P75 bilyon, ang isa pang ikinadismaya ng mga mambabatas ay ang pagkakakopo ng C.T. Leoncio Construction and Trading sa  maraming proyekto ng iba’t ibang kagawaran ng administrasyon sa iba’t ibang lalawigan, samantalang iisa lang ang may-ari ng nasabing kompanya ayon sa dokumento mula sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Ang C. T. Leoncio Construction and Trading ay pag-aari ng isang Consolacion T. Leoncio na nakabase sa Bulakan.

“Therefore, be it resolved as it is hereby resolved that the House of Representatives urge His Excellency Rodrigo Roa Duterte, to reconsider the appointment of Hon. Benjamin Diokno as Secretary of the Department of Budget and Manaement,” diin ng HR 2365.

133

Related posts

Leave a Comment