MAS malaki ang ginastos ng pamahalaan kaysa pumasok na kita hanggang nitong Setyembre ng taong kasalukuyan.
Sa datos ng Bureau of Treasury (BTr), lumobo pa ang budget deficit ng pamahalaan na naitala sa P250.9 bilyon.
Ang budget deficit ay ang mas malaking gastusin ng gobyerno kaysa sa kinikita nito.
Ito ay mataas ng P71.2 bilyon kumpara noong isang taon sa parehong mga buwan na naitala sa kabuuang P179.8 bilyon.
Idinahilan dito ang maraming gastusin ng pamahalaan na sinamahan ng 11.57% na kabawasan sa government receipts.
Ilan sa mga pinagkagastusan ay ang pagpapatupad ng banner social protection and health programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bumagal din ang kita ng pamahalaan nitong Setyembre na naitala sa P255.4 bilyon mula sa P288.8 bilyong naipon noong isang taon sa parehong panahon.
Lumago naman ang koleksyon ng P2.837 trilyon sa unang siyam na buwan ngayong taon.
Sa datos pa ng BTr, ang kabuuang koleksyon na P2.541 trilyon ay mula sa mga buwis habang ang natitirang balanse na 10.45% ay galing sa non-tax sources o mga koleksyon sa lisensya, kita ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), bayad sa mga prangkisa at iba pa.
(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
160