NAHAHARAP sa kasong grave threat, physical injuries at grave coercion ang isang pulis matapos umano nitong sampalin, tutukan ng baril at tapakan sa mukha ang isang nakasibilyang lalaki na isa rin palang pulis sa loob ng isang grocery store sa Barangay Baesa, Quezon City, nitong Martes ng hapon, Agosto 11, 2026.
Kinilala ang suspek na si Patrolman Reynald Bandong Austria, 31, binata, nakatalaga sa Special Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon City Police at residente ng Barangay Baesa, Quezon City.
Kasama ring kinasuhan ang security guard ng supermarket na si Armida Garcia, 55, may-asawa, residente ng Maypajo, Caloocan City.
Inireklamo ang dalawa ni PSSg. Neil Christian Fresco, 39, may-asawa, miyembro ng Philippine National Police (PNP) at nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) Station 3 sa Talipapa.
Batay sa ulat ng QCPD Station 3, dakong alas-4 ng hapon nang mangyari ang insidente sa loob ng isang grocery store sa Quirino Highway, Barangay Baesa.
Pumasok umano si Fresco sa supermarket upang mamili at nang palabas na ay isinumbong siya ng security guard kay Patrolman Austria, na papasok naman sa establisimyento habang may dalang baril.
Sinita umano ni Austria si Fresco at pilit na kinukuha ang string bag nito. Dahil dito, inilabas umano ng pulis ang kanyang baril, itinutok kay Fresco at hinatak ito papasok sa loob ng supermarket.
Ayon kay Fresco, ikinagulat niya nang bigla umano siyang hampasin ng baril sa mukha ni Austria na naging dahilan upang bumagsak siya sa semento.
Hindi pa umano doon nagtapos ang insidente dahil tinapakan pa umano ni Austria ang mukha ni Fresco at inutusan si Garcia na tulungan siyang posasan ang biktima.
“Nirerespeto ko ang uniporme niya kahit nagpakilala na ako sa kanya na isa rin akong pulis, subalit hindi niya ako pinaniwalaan at ginawan niya pa rin ako ng pananakit,” ayon kay Fresco.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente habang isinasagawa ang kaukulang proseso laban sa dalawang inireklamo.
(PAOLO SANTOS)
76 