TINULIGSA ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang pag-aresto ng mga awtoridad ng China sa mahigit 100 overseas Filipino workers (OFWs) na umano’y lumabag sa immigration laws ng nasabing bansa.
Ayon kay Teodoro, ang ginawa ng China laban sa mga Pilipino ay malinaw na uri ng pangingikil at pambabraso o “extortion and blackmail.”
“Mariing kinokondena natin ang pagtatangka ng Tsina na manghimasok sa ating mga proseso ng pagpapatupad ng batas pati na rin ang hayag na pambabraso laban sa mga Pilipino,” ani Teodoro.
Iginiit ng kalihim na walang intensyon o kakayahan ang mga Pilipinong nasa China na lumabag sa batas ng nasabing bansa, lalo na sa antas na umano’y ginagawa ng ilang mamamayang Tsino sa Pilipinas.
Ayon sa inilabas na pahayag ng DND, ang sinasabing pagtatakip ng Chinese government sa mga indibidwal na inaresto ay isa umanong matibay na indikasyon ng kanilang pakikipagsabwatan sa mga ilegal na gawain ng mga ito.
Hindi rin umano maaaring ikumpara ang naturang pag-aresto sa pagpapatupad ng batas laban sa ilang mamamayang Tsino sa Pilipinas na isinagawa batay sa mga search warrant na inilabas ng korte.
Ipinaliwanag ng DND na ang mga inaresto sa Pilipinas ay itinuturing na mga pasimuno o principals ng mga ilegal na negosyo.
Habang binibigyang-diin umano ng Chinese authorities ang usapin sa work visa at pasaporte ng mga indibidwal na ito, hindi naman nila natutugunan ang mga alegasyon ng ilegal na gawain laban sa kanila.
“Ito ay isang pag-amin mula sa kanila na ang mga kilos ng mga indibidwal na ito ay katunayan na ilegal sa ilalim ng batas ng Pilipinas,” ayon kay Teodoro.
Iginiit pa ng kalihim na kung ang mga mamamayang Tsino na nasa Pilipinas ay hindi sangkot sa pandaraya laban sa mga Pilipino, ituturing sila ng pamahalaan sa parehong paraan tulad ng iba pang dayuhang naninirahan at sumusunod sa batas ng bansa.
Samantala, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang malawakang pag-aresto matapos sabihin ng Chinese Foreign Ministry na nagsagawa sila ng aksyon laban sa mahigit 100 Pilipino na pinaghihinalaang ilegal na nagtatrabaho sa China.
Sinabi ng DFA na kinikilala ng Pilipinas ang karapatan ng China na ipatupad ang sarili nitong immigration laws, basta’t sinusunod ang tamang proseso.
Gayunman, hiniling ng ahensya sa Chinese authorities na pangalagaan ang kalagayan ng mga Pilipinong nakakulong at agad ipaalam sa Philippine Foreign Service Posts ang kanilang pagkakadetine.
Ayon sa DFA, naaayon ito sa Vienna Convention on Consular Relations at sa 2013 Philippines-China Consular Agreement.
(JESSE RUIZ)
81 