P36-M AYUDA SA MGA MAGSASAKANG APEKTADO NG BAGYO – PCIC

NAGHAHANDA ang Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) ng tinatayang P36 milyon na insurance payout para sa 5,005 magsasaka na napinsala ang mga insured na sakahan dahil sa Bagyong Luis, Bagyong Maymay at habagat mula Agosto 1 hanggang 11.

Sa inisyal na ulat ni PCIC President Jovy Bernabe kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., inatasan na ang mga regional office ng state crop insurer na magsagawa ng validation sa mga pinsala at pabilisin ang pagproseso ng mga insurance claim.

Batay sa paunang pagtataya, umabot sa P35.67 milyon ang insured damage sa anim na rehiyon.

Pinakamaraming magsasaka ang naapektuhan sa Region III na may 1,836, sinundan ng Region I na may 1,218 at Region IV-B na may 836.

Pinakamalaki naman ang insured damage sa Region I na umabot sa P9.89 milyon, sinundan ng Region III na may P8.80 milyon at Region IV-B na may P7.56 milyon.

Tinatayang P5.04 milyon ang pinsala sa Region IV-A, habang P3.47 milyon at P920,000 naman ang naitala sa Region II at Region VI.

Pinakamalaki sa insured losses ang pinsala sa palay na umabot sa P25.60 milyon, habang P3.55 milyon ang pinsala sa mais at P3.73 milyon naman sa high-value crops.

Ayon kay Agriculture Secretary Tiu Laurel, kailangang mabilis na makarating sa mga magsasaka at mangingisda ang tulong ng pamahalaan matapos ang kalamidad upang hindi mauwi sa pangmatagalang problema sa kabuhayan ang pansamantalang pagkalugi.

“Kailangan nating agad na tumugon sa pangangailangan ng ating mga magsasaka at mangingisda matapos ang bawat kalamidad upang mabilis silang makabangon at maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan,” ani Tiu Laurel.

Binigyang-diin ng kalihim ang kahalagahan ng napapanahong ayuda, lalo na sa mga magsasakang umaasa sa bawat production cycle upang magkaroon ng kita at mapondohan ang susunod na taniman.

Samantala, sinabi ni Bernabe na pinaiigting ng PCIC ang pagtugon nito upang mapabilis ang pagbangon ng mga apektadong magsasaka.

Ginagamit din umano ng ahensya ang mga bagong teknolohiya upang mapabilis ang pagtatasa sa lawak ng pinsala at pagproseso ng mga claim.

“Pinaiigting natin ang ating mga pagsisikap na masuri ang mga pinsala, maproseso ang mga claim, at mas mabilis na maihatid ang insurance assistance upang agad na makabangon ang ating mga magsasaka at makabalik sa produksyon,” ani Bernabe.

Maaari pang magbago ang paunang assessment habang nagpapatuloy ang field validation, ngunit sinabi ng PCIC na ipinapakita na ng datos ang mahalagang papel ng crop insurance bilang tulong-pinansyal sa mga magsasakang naapektuhan ng matitinding kondisyon ng panahon.

(PAOLO SANTOS)

98

Related posts

Leave a Comment