KILALANG TINDAHAN SA CAVITE, NILOOBAN

PINAGHAHANAP ng pulisya ang dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na puwersahang pumasok sa isang malaking tindahan at tumangay ng halos P1 milyon halaga ng cash at mga mobile phone sa Alfonso, Cavite, Biyernes ng madaling araw.

Batay sa ulat, dakong alas-1:30 ng madaling araw nang pasukin ng dalawang suspek ang Fortune King Shoppermart OPC na matatagpuan sa Barangay Luksuhin Ibaba, Alfonso, Cavite.

Ayon kay Orlan, maintenance personnel ng establisimyento, dumating siya sa tindahan noong umaga at napansin na bukas ang bintana at pintuan sa likurang bahagi ng gusali.

Agad niya itong ipinaalam sa kanilang store manager.

Lumalabas sa paunang imbestigasyon na puwersahang binuksan ng mga suspek ang dalawang vault ng tindahan.

Sa isinagawang imbentaryo, natuklasang nawawala ang tinatayang P600,000 cash na kita ng tindahan at 16 na unit ng mobile phone na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P350,000.

Tinatayang P950,000 ang kabuuang halaga ng natangay ng mga suspek.

Ang Fortune King Shoppers Mart ay isang one-stop shop na nagbebenta ng school supplies, home essentials, kitchenware, appliances at general merchandise.

Patuloy ang on-site investigation ng pulisya at backtracking sa CCTV footage upang matukoy ang pagkakakilanlan at dinaanan ng mga suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

79

Related posts

Leave a Comment