6ID TINIYAK SEGURIDAD SA KAUNA-UNAHANG BARMM PARLIAMENTARY ELECTIONS

BAHAGI ng pinaigting na paghahanda para sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections, pormal na tinanggap ng 6th Infantry (Kampilan) Division (6ID) ang Task Force 92 ng 1st Brigade Combat Team (1BCT), sa pangunguna ni Lt. Col. Anacito Naz, bilang karagdagang puwersa sa ilalim ng 602nd Infantry (Liberator) Brigade.

Magsisilbi itong augmentation force upang suportahan ang mga hakbang sa seguridad para sa nalalapit na halalan.

Nauna nang dumating noong Hulyo 15, 2026, sa area of responsibility ng 601st Infantry (Unifier) Brigade ang 75th Infantry Battalion, sa pangunguna ni Lt. Col. Earl C. Paradillo, bilang karagdagang puwersa ng brigada.

Patuloy naman ang koordinasyon ng 6ID sa Commission on Elections (COMELEC), Philippine National Police (PNP) at iba pang security stakeholders para sa maayos na paghahanda sa halalan.

Kabilang dito ang pagpaplano at pagtutulungan upang matiyak ang seguridad ng mga mamamayan, election personnel at mga pasilidad na may kaugnayan sa halalan.

Ayon kay Brigadier General Ricky P. Bunayog, Acting Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, nakatuon ang security preparations ng dibisyon sa pagpapanatili ng peace and order upang matiyak ang malaya at ligtas na paggamit ng karapatang bumoto ng mga mamamayan.

“Buong suporta ang 6ID sa COMELEC, katuwang ang PNP bilang deputized agency, sa pagsasagawa ng halalan. Hinihikayat din natin ang lahat na makipagtulungan sa mga awtoridad, sumunod sa mga umiiral na security measures, at manatiling mapagmatyag upang sama-sama nating matiyak ang isang ligtas, mapayapa, malaya, at maayos na halalan,” ani Brig. Gen. Bunayog.

Kinumpirma rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagbuo at deployment ng Task Force 92 ng 1BCT, isang combined arms unit ng Philippine Army, na dumating sa punong himpilan ng 7th Infantry Battalion sa Pigcalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Sa reception ceremony, sinabi ni 602nd Infantry Brigade Acting Commander Col. Romeo N. Bautista III na mahalaga ang papel ng task force bilang Rapidly Deployable Force (RDF) na tutulong sa security operations para sa nalalapit na BARMM Parliamentary Elections.

(JESSE RUIZ)

70

Related posts

Leave a Comment