(Ni FRANCIS SORIANO)
HINDI umano maaaring buwagin ang National Food Authority (NFA) pero posibleng mapalitan ang pangalan nito habang nangangamba naman mawalan ng trabaho ang aabot sa 400 empleyado nito na may kinalaman sa regulatory, licensing, registration at monitoring.
Ayon kay NFA-OIC Administrator Tomas Escares, kahit na dumaraan sila ngayon sa restructuring sa tulong ng Governance Commission for GOCCs, tuloy pa rin umano ang serbisyong kanilang ibinibigay sa mga magsasaka.
Aminado rin ang opisyal na marami sa kanilang mga empleyado ang maaapektuhan ng nakatakdang pagpapatupad ng Rice Tariffication Law matapos na mapirmahan ang Implementing Rules and Regulation (IRR) nito.
Ito ay makaraang mawala sa kanilang kapangyarihan ang regulatory powers ng NFA sa pag-aangkat at pagbebenta ng bigas dahil sa bagong batas ay maiiwan naman sa kanila ang responsibilidad sa pagsiguro na mayroong sapat na buffer stock sa bigas ang bansa.
Dagdag pa nito, posibleng baguhin ang pangalan ng NFA dahil nakadepende naman umano ito sa mga policymakers sa bansa.
Base sa nakasaad sa batas na tanging trabaho lamang ng NFA ay matiyak na may sapat na buffer stock ng bigas ang bansa.
178