(NI DAVE MEDINA/PHOTO BY KIER CRUZ)
NAGBABALA ang Commission on Elections (Comelec) sa publiko na huwag magkukusang magtatanggal ng campaign poster at tarpaulin ng mga politiko.
Ayon sa Comelec, posibleng masangkot sa gulo o disgrasya ang sinumang magtatanggal ng campaign posters at tarpaulins ng mga politiko dahil ikagagalit ito ng kani-kanilang supporter at ng mismong mga kandidato.
Nauna rito ay sinabihan ng Comelec ang mga kandidato na magkusang magtanggal ng kanilang “campaign materials” dahil bawal na ito sa regulasyon ng kanilang Tanggapan.
Ayon kay Comelec spokeperson James Jimenez, mayroong mga awtorisadong tagapag-alis ang Comelec ng naturang mga campaign materials kaya mas makakabuting ipaalam sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng text sa cellfone o message sa facebook account ng Comelec.
Maging ang Namfrel aniya ay kailangan pang kumuha ng go signal mula sa gobyerno bago magpatuloy ng pagtatanggal ng posters at tarpaulin.
Nilinaw pa ni Jimenez na tanging ang Komisyon, Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang nabigyan ng katungkulang mag-alis ng mga iligal na materyales.
Ang campaign period ay mag-uumpisa mula ngayong araw Pebrero 12 hanggang sa Mayo 11 para sa mga kandidatong senador at party-list groups habang sa Marso 29 hanggang May 11 para sa mga kongresista, gobernador, hanggang sa mga konsehal ng bayan.
159