ISINAILALIM ng Philippine National Police (PNP) sa full alert status ang buong bansa simula alas-8:00 ng umaga nitong Hunyo 30 upang paigtingin ang seguridad kaugnay ng isinagawang rally ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument.
Sa direktiba ni PNP Chief Police General Melencio C. Nartatez Jr., inatasan ang lahat ng Police Regional Offices at National Support Units na manatiling nakaalerto at handang rumesponde sa anomang insidente habang tinitiyak ang maayos na pagpapatupad ng kanilang mandato.
Ayon sa PNP, layunin ng full alert status na mapanatili ang kapayapaan, kaayusan at kaligtasan ng publiko habang mahigpit na binabantayan ang sitwasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Halos 6K Pulis Dineploy
Umabot sa 5,936 na pulis ang idineploy ng PNP upang tiyakin ang seguridad at kaayusan sa ‘surprise rally’ ng INC nitong Martes.
Batay sa monitoring ng PNP hanggang alas-10:00 ng umaga, apat na pangunahing lugar ang binabantayan ng mga awtoridad: EDSA Shrine, EDSA southbound corner Connecticut, People Power Monument corner White Plains Avenue, at Liwasang Bonifacio.
Tinatayang nasa 10,850 ang dumalo sa pagtitipon, kabilang ang humigit-kumulang 10,000 katao sa People Power Monument.
Isinailalim din sa full alert status ang National Capital Region Police Office (NCRPO), Police Regional Office 3 at Police Regional Office 4A simula alas-5:00 ng umaga.
Nauna nang inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang PNP na pairalin ang maximum tolerance habang pinananatili ang kapayapaan, kaayusan at paggalang sa karapatan ng mga kalahok.
Sa pinakahuling tala ng PNP, apat na katao ang naaresto habang tatlong pulis ang nasugatan.
Kabilang sa mga inaresto ang driver ng isang bus na umano’y umatras at umabante kahit pinatitigil ng mga pulis, dahilan upang mabangga at masagasaan ang isang babaeng pulis. Dalawa pa ang inaresto matapos umanong manuntok ng mga naka-deploy na pulis.
Humingi naman ng paumanhin ang PNP sa publiko dahil sa matinding abala sa trapiko dulot ng kilos-protesta.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Police Colonel Allen Rae Co, ginagawa ng PNP ang lahat ng kinakailangang hakbang upang maibalik sa normal ang daloy ng trapiko at mapanatili ang kaayusan.
Nanawagan din ang PNP sa mga kalahok na huwag hadlangan ang pangunahing mga lansangan upang hindi maapektuhan ang mamamayang walang kinalaman sa aktibidad.
PBBM Kinansela FOCAP Luncheon
Kinansela naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pagdalo sa Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) Presidential Luncheon sa Makati City nitong Martes upang personal na tutukan ang sitwasyon sa EDSA.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, minomonitor ng Pangulo ang kalagayan ng mga commuter at manggagawang naapektuhan ng rally, gayundin ang operasyon ng mga pulis na nagpapatupad ng seguridad.
Kasabay nito, isinailalim sa lockdown ang Arlegui at Solano gates ng Malacañang simula alas-6:00 ng umaga, habang nanatiling bukas ang JP Laurel gate.
DOJ Handa sa mga Maaaresto
Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na nakahanda ang mga piskal nito sakaling may mga maaresto sa kilos-protesta ng INC.
Ayon kay DOJ Secretary Frederick Vida, nakahanda ang mga prosecutor ng kagawaran na gampanan ang kanilang tungkulin anomang oras na may mahuling lumalabag sa batas.
Bagama’t wala umanong inilabas na espesyal na direktiba para magtalaga ng mga prosecutor gaya sa mga nakaraang malalaking kilos-protesta, sinabi ni Vida na handa ang DOJ na makipag-ugnayan sa mga law enforcement agencies kung kinakailangan.
(TOTO NABAJA/CHRISTIAN DALE/JULIET PACOT)
58 