SIMULA Hulyo 15, palalawakin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang coverage para sa moderate hanggang severe na kaso ng leptospirosis upang mas maraming pasyente ang makakuha ng kinakailangang gamutan.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapagaan ang gastusing medikal ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng bagong benepisyo, aabot sa P63,000 ang hospital care package, P170,000 para sa hemodialysis, at hanggang P230,000 para sa peritoneal dialysis.
Maaari pang umabot sa P411,000 ang kabuuang benepisyo para sa mga kwalipikadong pasyenteng nangangailangan ng kombinasyon ng hemodialysis, mechanical ventilation at pulmonary rehabilitation.
Libre rin ang konsultasyon sa mga Yakap providers kung saan maaaring magreseta ng doxycycline bilang panlaban sa leptospirosis kung kinakailangan.
Saklaw din ito ng PhilHealth “Gamot Package” na nagbibigay ng hanggang P20,000 kada miyembro bawat taon para sa mga kinakailangang gamot laban sa leptospirosis.
(CHRISTIAN DALE)
82 