KASUNOD ng isinagawang pagpupulong ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at mga tanggapan ng gobyernong nasa ilalim nito, nananatiling naka-red alert status ang nasabing ahensiya hanggang nitong Martes para patuloy na matutukan ang pinagsama-samang epekto ng Tropical Storm Luis, Maymay at ng pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat.
Nagpulong nitong hapon ang mga kinatawan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at uniformed services para sa nagpapatuloy na koordinasyon kaugnay ng epekto ng Bagyong Maymay at Habagat at pagtugon ng pamahalaan sa sinasabing nasa 19 na bilang ng naitalang nasawi habang 4 pa ang missing.
Katuwang ng NDRRMC ang Regional at Local DRRMCs para sa mahigpit na monitoring at tuloy-tuloy na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad kaya kasalukuyang nakataas sa Red Alert Status ang NDRRMC Operations Center para sa pinaigting na koordinasyon at pagbabantay sa epekto ng bagyo at Habagat.
Sinabi ng Office of Civil Defense (OCD), sa kanilang Tuesday 6:00 a.m. update, iniulat nito na 19 ang nasawi sa Benguet, Rizal, at Batangas.
Nakapagtala ang Benguet ng pinakamataas na bilang ng nasawi, sa 12. Ang siyam na nasawi ay sanhi ng landslides sa Baguio City, habang ang dalawang nasawi ay mula sa La Trinidad at isa naman ay mula sa Atok, dahil din sa landslides.
Kasalukuyang bina-validate ang ulat na nakuha na lahat ang 13 missing sa naganap na landslide sa Baguio City.
Nakapagtala naman ng apat na nasawi mula sa Rizal. Dalawang nasawi dahil sa landslides sa Rodriguez, habang isa naman ang nasawi matapos tamaan ng bumagsak na puno sa Antipolo at may isa pang nalunod sa Binangonan.
May tatlo namang nasawi na naitala sa Batangas. Isa ang nasawi sanhi ng pagkalunod sa Batangas City, isa naman ay sanhi ng electrocution sa Lipa, at isa naman ay sanhi ng landslide sa Santa Teresita.
Apat katao naman ang nananatiling nawawala kabilang na ang tatlo sa Benguet at isa sa Batangas. Dalawa katao sa Baguio at isa sa Atok ang napaulat na nawawala dahil sa landslides.
Iniulat din ng OCD na may 15 katao ang sugatan.
Sa kabilang dako, umakyat na sa mahigit 646,676 pamilya o katumbas ng 2.3 milyon na indibidwal ang bilang ng apektado dulot ng pinagsamang epekto ng habagat at nagdaang dalawang tropical storm.
Patuloy na mino-monitor ng Office of Civil Defense (OCD) ang mga lugar na nakararanas ng matinding epekto ng tuloy-tuloy na pag-ulan, partikular sa Region I, Cordillera Administrative Region (CAR), Region III at CALABARZON, kung saan may mga lugar na nakararanas pa rin ng pagbaha.
Ayon sa OCD, umabot na sa 624 ang bilang ng evacuation centers na nagsisilbing pansamantalang tuluyan ng mahigit 18,000 na pamilya o humigit-kumulang 58,000 na indibidwal makaraan ang bagyong Luis at Maymay, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Dagdag pa ng OCD, patuloy ang pagbibigay ng tulong sa mahigit 26,000 na pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa 919 evacuation centers.
(JESSE RUIZ)
56 