BUGBOG-SARADO sa taumbayan ang dalawang lalaki makaraang magnakaw ng labing-isang panabong na manok na nagkakahalaga ng P55,000 sa Imus City, Cavite noong Lunes ng umaga.
Nahaharap sa kasong theft at trespass to dwelling ang arestadong mga suspek na sina alyas “Ramir”, 33, construction worker, ng Brgy. Poblacion IV-C, Imus City, at “Christian”, 22, walang trabaho, ng Brgy. Bayan Luma V, Imus City dahil sa reklamo nina alyas “Jayro”, 61, may-ari ng mga panabong, residente ng Brgy. Bayan Luma 5, Imus City, at “Carmina”, 35, may-ari ng isang carwash kung saan nagtago ang mga suspek.
Ayon sa ulat, bandang alas-8:22 ng umaga nang pasukin ng mga suspek ang bakuran ni Jayro sa Treeline 3 Subdivision, Brgy. Bayan Luma 5, Imus City at tinangay ang 11 panabong na nagkakahalaga ng kabuuang P55,000.00
Inilagay ang ninakaw na mga panabong sa isang sako at isinakay sa isang itim na motorsiklong Rusi na may plakang 135UPI at tumakas ngunit pagdating sa gate ng subdibisyon ay sinita sila ng naka-duty na security guard nang mapansing ang dala nilang sako ay may nakausli na mga balahibo ng manok.
Nang tinanong kung saan ito galing ay magkaiba ng sagot ang mga suspek kaya pinigil ng guwardiya.
Nagtangkang tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo subalit sa pagmamadali ay natumba ang kanilang sasakyan kaya tumakbo at nagtago sa Inner Shine Carwash sa Brgy. Luma 9, Imus City.
Gayunman, napansin ito ng mga stay-in na nagtatrabaho kaya humingi sila ng saklolo sa ilang residente na pinaniniwalaang pinagtulungang bugbugin ang mga ito.
Nakatakdang sampahan ng kaso ang dalawang suspek.
(SIGFRED ADSUARA)
59 