CAVITE – Swak sa kulungan ang isang 21-anyos na SK councilor dahil sa pagbebenta ng Special Amelioration Program (SAP) form at pagbibigay ng pabor sa kanyang mga kamag-anak kahit hindi
kuwalipikado sa nasabing programa, sa bayan ng General Mariano Alvarez (GMA) sa lalawigang ito.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft & Corrupt Practices) at RA 6713 (An Act Establishing a Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) ang suspek na si Raymond Minorca, residente ng Phase 3, Block 4, Lot 14, FVR, Brgy. Poblacion 5, GMA ng nabanggit na lalawigan, dahil sa reklamo ni Jimuel Gabica, 32, emplelyado at kinatawan mula sa Municipal Social Welfare Development (MSWD).
Sa ulat ni P/MSgt. Jonarey Visca, nag-ugat ang pagkakaaresto sa suspek dahil sa natanggap na reklamo ni Gabica, na nangangasiwa sa pamamahagi ng tulong at distribusyon ng Special Amelioration Program (SAP) mula sa iba’t ibang barangay.
Base sa natanggap niyang mga reklamo, ibinibenta umano ni Minorca ang SAP form at pinapaboran ang kanyang mga kamag- anak sa kabila na hindi kuwalipikado ang mga ito sa nasabing programa.
Personal siyang itinuro ng kanyang mga nabiktima dahilan upang arestuhin ng mga Bantay-bayan dakong alas-6:00 noong Biyernes ng gabi sa FVR, Brgy. Poblacion 5 ng naturang bayan.
Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa GMA Custodial Center. (SIGFRED ADSUARA)
226 