Madugong kabanata ng PNoy admin SAF 44: HUSTISYANG HANAP MISTULANG MAILAP

(DANG SAMSON-GARCIA)

MATAPOS ang pitong taon, nananatiling bangungot sa pamilya at iba pang mahal sa buhay ang masaklap na pagpanaw ng 44 na magigiting na miyembro ng Philippine National Police – Special Action Force (SAF) na pinaslang ng mga teroristang namumugad sa katimugang bahagi ng bansa.

Higit pa sa pagpanaw ang hinanakit ng mga kaanak ng mga itinanghal na bayani. Ang giit ng kanilang mga naulilang pamilya – hustisya. Anila, magpahanggang ngayon ay wala man lang napanagot sa kapabayaan ng mga noo’y nakapwesto.

Sino pa nga ba ang mananagot kung ang mismong anti-graft court ng Sandiganbayan, ibinasura na ang kasong isinampa sa noo’y Pangulo ng bansang itinuga mismo ng kanyang binigyan ng direktiba.

Hindi rin marahil madaling mapatawad ng mga naulilang pamilya ang garapalang paglalaglag ng asunto ni Ombudsman Samuel Martires na piniling i-withdraw noong taong 2019 ang kaso dahil sa aniya’y kakulangan ng ebidensyang magdidiin sa noo’y Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino na itinuturong nagbigay ng direktiba para tugisin ang mga teroristang kalaban ng estado.

Karaniwan naman kasing tinitimbang muna ng Ombudsman (na tumatayong tagausig) ang isang kasong inihain bago pa man isampa sa Sandiganbayan (husgado para sa mga kaso laban sa mga taong gobyerno). Nang isampa sa Ombudsman ang asunto, tinimbang at napagtantong may sapat na ebidensya at testimonyang sapat para tumindig ang kaso sa Sandiganbayan, kaya naman ang mga pobreng naulila, naniwala at umasang makakamit ang hustisya.

Isang taon pa ang lumipas, ibinasura din ang kaso laban sa noo’y suspendidong PNP Director General Alan Purisima at PNP-SAF director Getulio Napeñas Jr., dahil sa kawalang ng sapat na ebidensyang isinumite ng Ombudsman na kumakatawan sa mga pamilyang tanging hangad ay hustisya.

OPLAN EXODUS

Kung babalikan ang nakaraan, nag-ugat ang lahat sa pagbibigay ng pahintulot ng noo’y Pangulong Noynoy Aquino sa suspendidong PNP Chief Purisima na makibahagi at pangunahan ang paglalatag ng plano at implementasyon ng Oplan Exodus, isang covert operation na target mabitag ang notoryus na teroristang Malaysian national na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan at isang nagngangalang Abdul Basit Usman.

Kapwa kilalang dalubhasa sa paggawa at pagtatanim ng bomba ang dalawang target na pinaniniwalaang nasa likod ng seryo ng karahasan sa iba’t ibang panig ng bansa noong mga panahong iyon.

Nagbuo at agad na nagpadala ng isang batalyong SAF ang PNP sa lalawigan ng Maguindanao para singkutin ang dalawang target. Lingid sa kaalaman ng mga pobreng SAF members, inaabangan na pala sila.

Ang resulta – 60 ang namatay, kabilang ang 44 miyembro ng commando squad ng PNP-SAF.

MALING IBASURA

Taliwas naman sa pasya ng kapwa mahistrado ang pananaw ni Sandiganbayan presiding justice Amparo Cabotaje-Tang. Aniya, hindi dapat ibinasura ang kaso laban kina

Purisima at Napeñas na aniya’y kapwa responsible sa pagkakapaslang sa 44 miyembro ng PNP-SAF.

Sa kaso laban sa dating Pangulong Aquino, wala nang hahabulin sa pagyao noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng doktrina ng militar at pulisya, may tinatawag na “command responsibility” kung saan ang sala ng nasa baba ay pananagutan rin ng nasa itaas.

Hangad ng doktrina ang pagpapanatili ng responsableng opisyal sa hanay ng militar at pulisya. Anumang ipinamamalas ng opisyal, mistulang huwaran. Gayundin sa pamilya – ang mali nagiging tama sa mata ng mga bata kung gawain mismo ng mga nakatatanda.

ALAALA
NG MAMASAPANO

Ang pagkamatay ng 44 na magigiting na commando ng PNP napatunayan ang bigat ng giyera kontra terorista, gayundin ang ginagampanan ang mga sumumpang maglingkod at protektahan ang mga Pilipino laban sa anumang banta.

Ayon mismo kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, ang Mamasapano incident kung saan napaslang ang 44 na miyembro ng PNP-SAF ay isang testimonya ng pagiging tapat ng mga namayapa sa kanilang sumpang pinanindigan hanggang sa huling hininga.

Bagamat masaklap sa hanay ng mga naulila, hindi maiiwasan ang tinatawag na collateral damage, bagay na pinatuyan hanggang sa huli ng 44 PNP-SAF sa ipinamalas na sakripisyo para sa bansa.

Hindi rin aniya dapat mawaglit sa alaala ang tapang at kabayanihan ipinamalas ng magiging na pulis sa ngalan sa kanilang sumpa – sukdulang pati kanilang mga buhay ay mawala.

PAGKILALA SA BAYANI

Sa ika-pitong anibersaryo ng pinakamadugong misyon ng kapulisan, patuloy lang ang laban sa labas ng husgadong piniling palusutin ang mga dapat sana’y managot sa asunto.

Pitong taon ng sakit, pitong taon ng pagdadalamhati at pitong taon ng patuloy na paghahanap ng hustisya.

Ani Marcos – isang honorary member ng Philippine National Police Academy – Tagapagbuklod Class of 1989, hindi dapat matapos sa pagbasura ng kaso ang alaala at legasiya ng mga tinaguriang “fallen heroes” kasabay ng pasasalamat at pagbibigay-pugay sa mga pulis na matagal nang namayapa.

“You will remain in our memory and the entire nation will forever be grateful to your heroism,” saad ni Marcos sa pag-aalala sa mga kabayanihan ng mga pulis na namayapa, kasabay ng pagtitiyak ng hustisyang ipinagkait at angkop  na benepisyo para sa mga naulilang pamilya.

169

Related posts

Leave a Comment