KABAYANIHAN NG SAF 44 BINIGYANG PUGAY NG PNP-PRO5

HINDI makalilimutan ng mga tauhan ng PNP-Police Regional Office 5 ang kabayanihan ng 44 kasapi ng PNP Special Action Force na nag-alay ng kanilang buhay mahuli lamang ang world most wanted terrorist, kaya isang wreath laying ceremony ang inalay ng Bicol PNP sa pangunguna ni P/BGen. Jonnel C. Estomo, Regional Director, kahapon, Enero 25, 2022, na napakahalagang araw, sa harap ng PRO5 Heroes Shrine, Camp BGen Simeon A. Ola, Legazpi City.

Ayon kay Bicol PNP chief, pagpapakita lamang ito ng paghanga at pagkilala bilang pakikiisa sa buong sambayanang Pilipino sa paggunita ng kabayanihan at katapangan ng 44 na miyembro ng Special Action Force.

Pitong taon na ang nakalipas matapos ipakita ng SAF-44 ang tunay na kahulugan ng pagiging isang lingkod bayan nang isa-isa nilang ibuwis ang kanilang natatanging buhay para sa kaligtasan ng nakararami.

Noong Enero 25, 2015 nang mangyari ang engkwentro sa pagitan ng Philippine National Police Special Action Force at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa Mamasapano, Maguindanao habang nasa kasagsagan ng operasyon upang magsilbi ng warrant of arrest laban kay Marwan.

Kasama rin sa bibigyang pagpupugay ang mga kasamahang namatay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin (Killed in Police Operations) at ang mga namatay sa pagharap sa pagsubok ng pandemya sa COVID 19.

Ang ipinakitang katangian ng itinuring na mga bayani ng buong hanay ng pulisya ay isang patunay ng kadakilaan ng tungkuling nakaatang sa bawat miyembro ng organisasyon alang-alang sa pagpapanatili ng mas tahimik at ligtas na komunidad para sa lahat.

Maaaring sila ay yumao at pinili na ialay ang nag-iisang buhay sa kanilang bayan ngunit kanilang naiwan ang alaala ng kabayanihan at sakripisyo na panghabang buhay na magmamarka sa kasaysayan ng ating bansa—sila ang mga tunay na bayani ng lahing kayumanggi. (JESSE KABEL)

138

Related posts

Leave a Comment