NLEX NABUNDOL NG DYIP

dyip12

(NI JJ TORRES/PHOTO BY MJ ROMERO)

NAGPASABOG si rookie CJ Perez ng career-high 39 points nang talunin ng Columbian Dyip ang NLEX, 120-105 sa PBA Commissioner’s Cup kagabi sa Mall of Asia Arena.

Ito ang unang panalo ng Dyip sa apat na laro, habang ikaapat na sunod na kabiguan naman sa panig ng NLEX.

Sinimulan ni Perez ang atake ng Dyip sa pamamagitan ng dunk, kasunod ang lima pang puntos tungo sa 11-0 run.

Buhat dito ay hindi na lumingon pa ang Columbian.

Si import Kyle Barone, na huling laro para sa Columbian ay nag-ambag ng 31 points, eight rebounds at three blocks.

“Sabi ko nga, coming from 0-3, mahirap i-motivate,” lahad ni Columbian coach Johnedel Cardel. “Pero this is basketball. Every game is very important. Even if we are 0-3, be professional, do your work, and do your job. It came out na nanalo kami ngayon.”

Samantala, pangalawang sunod na panalo ang misyon ng Phoenix Pulse Fuel Masters ngayong gabi sa paghaharap nila ng TNT KaTropa sa Ynares Center sa Antipolo City.

Susundan ng Fuel Masters ang kanilang 103-98 na panalo kontra Blackwater Elite noong Biyernes sa tapatan nila ng KaTropa sa alas-6:45 ng gabi.

Ang atensyon ay paniguradong mapupunta kay Calvin Abueva matapos maharap sa kontrobersiya laban sa Blackwater, kung saan siya ay gumawa ng malaswang gesture sa girlfriend ni Ray Parks Jr. na si Maika Rivera.

Planong ipatawag ni PBA Commissioner Willie Marcial si Abueva para magpaliwanang sa kanyang naging aksyon.

Bagama’t nag-sorry na si Abueva kay Parks, depensa ni Abueva ay humirit lamang siya sa mga pang-aasar na ginawa sa kanya ni Rivera, na tinawag umano siyang monkey.

Kaugnay nito, naglabas na ng official statement ang pamunuan ng Phoenix hinggil sa pangyayari, kung saan pinatawan nito ng P20,000 multa si Abueva.

Ayon kay team manager Paolo Bugia, ang P20,000 fine ay ibibigay o kaya’y ido-donate sa charity na mapipili ni Rivera.

“As a preventive measure, we decided to deduct P20,000 from the salary of Mr. Abueva which has been communicated to him and has accepted such decision,” lahad ni Bugia.

Inaasahan namang hindi maapektuhan ang laro ni Abueva sa nangyaring insidente, lalo na’t ang Phoenix ay masusubok ng TNT squad na pangungunahan ng import na si Terrence Jones.

Si Jones ay balak bumawi mula sa 110-86 na talo ng KaTropa sa NorthPort Batang Pier nitong Miyerkoles, kung saan umiskor lamang siya ng 17 puntos matapos bumato ng 41 at 43 laban sa NLEX at Alaska.

Samantala, si Parks at ang Elite ay determinadong bumawi sa kanilang unang talo sa conference laban sa Rain or Shine Elasto Painters sa alas-4:30 ng hapon.

Ang Rain or Shine naman ay sinimulan ang kampanya nang mabigo sila sa Meralco Bolts, 91-84.

 

177

Related posts

Leave a Comment