ISINUSULONG ni Senador Erwin Tulfo ang 20% discount sa mobile prepaid load, mobile postpaid plans at mobile internet packages para sa mga Pilipinong mag-aaral sa gitna ng sunod-sunod na paglipat sa online classes dahil sa masamang panahon.
Sa inihain niyang Senate Bill No. 2275 o “Student Load Discount Act,” layunin ni Tulfo na mabawasan ang pasaning pinansyal ng mga pamilyang nahihirapang tustusan ang pangangailangan sa data at internet para sa digital learning.
“Dagdag-gastusin ito sa mga estudyante at magulang nila na kadalasan ay hadlang pa para makasabay sa online classes. Tulungan naman natin sila sa simpleng bagay na ito,” pahayag ni Tulfo.
Idinagdag pa niya na hindi dapat asahan ang mga estudyante, lalo na ang mula sa mahihirap na pamilya, na mabilis na makapag-adjust sa digital learning kung walang sapat na tulong mula sa pamahalaan.
Sa ilalim ng panukala, sakop ng discount ang mga Pilipinong kasalukuyang nakatala sa mga awtorisadong pampubliko at pribadong paaralan mula elementarya, sekondarya, technical-vocational at higher education, maliban sa post-graduate studies.
Magagamit ang 20% discount sa buong taon, kabilang ang weekends at holidays, upang matiyak ang tuloy-tuloy na access sa online learning.
Para makuha ang discount, kailangang magpakita ang estudyante ng school ID o katibayan ng enrollment, gayundin ng birth certificate bilang patunay ng pagiging Filipino citizen.
Obligado rin ang mga telecommunications company na ipatupad ang discount sa lahat ng sakop na serbisyo, habang papatawan ng mabigat na parusa ang mga lalabag sa batas.
Binigyang-diin ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development, na malaki na ang ipinagbago ng konsepto ng suspensyon ng klase.
“Noon, kapag suspended ang klase, talagang walang pasok. Pero sa panahon ngayon, karamihan sa mga paaralan ay agad na lumilipat sa online modality upang maiwasan ang backlog sa mga inaaral,” ani Tulfo.
“Tungkulin natin sa pamahalaan na tiyakin ang access sa edukasyon. Hindi dapat huminto ang kakayahan ng isang estudyante na matuto dahil lamang hindi niya kayang bumili ng mobile data o internet connection. Walang estudyante ang dapat maiwan kapag ang lahat ay nakakonekta,” pagtatapos niya.
85 