KUKUWESTYUNIN sa mababang kapulungan ng Kongreso ang legal na batayan ng ‘no vaccine, no ride’ na ipinatupad ng Department of Transportation (DOTr).
Ito ang dahilan ng pagsusulong ng imbestigasyon ng Gabriela party-list kaugnay ng nasabing polisiya.
Sa ilalim ng House Resolution (HB) 2451 na inakda ni Rep. Arlene Brosas, inaatasan nito ang House committee on health at committee on transportation na ipatawag ang mga apektadong sektor sa inilabas na polisiya ng DOTr at maging ang mga opisyales ng nasabing ahensya upang alamin kung anong naging batayan ng mga ito na pagbawalan ang mga taong hindi pa nababakunahan na sumakay sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon sa mambabatas, nagdulot ng matinding abala, takot at diskriminasyon ang patakaran ng DOTr sa mga hindi bakunadong pasahero at maging ang mga driver at operator ng mga pampublikong sasakyan ay labis na naapektuhan.
Base sa mga report, humigit kumulang sa 1,000 pasahero ang hindi pinasakay sa mga pampublikong transportasyon mula nang ipatupad ang polisiya ng DOTr noong Lunes, Enero 17.
“Pagod at hirap na ang mamamayan sa bulok na pampublikong transportasyon tapos lalong aabalahin pa ng gobyerno gamit itong No Vax, No Ride policy. Sobra-sobrang pahirap na ito. Dapat na ibasura ang patakaran na iyan ng DOTr,” ayon sa mambabatas.
Bukod dito, labag umano ang polisiyang ito sa Republic Act (RA) 11525 o Vaccination Program Act dahil walang nakasaad sa batas na ito na gawing mandatory requirement ang vaccine cards sa anomang transaksyon o serbisyo.
Dahil dito, dapat itong imbestigahan ng Kongreso na siyang gumawa ng nasabing batas dahil mismong ang estado na aniya ang lumalabag dito.
Umapela rin ang mambabatas sa iba pang mga kasamahan sa Kongreso na suportahan ang lumalakas na panawagang kwestyunin at ibasura ang patakaran ng DOTr na plano ring ipatupad sa labas ng National Capital Region (NCR). (BERNARD TAGUINOD)
216 