Pagkakaisa at bayanihan sa ika-152 taon ng Montalban FORWARD NATURE NILARGA NI NOGRALES

(JOEL O. AMONGO)

PINANGUNAHAN ni Rizal 4th District Representative Fidel Nograles ang pagtitipon ng mahigit anim na libong residente ng Montalban noong Huwebes (Abril 27), ng alas-6 ng umaga.

Inilunsad ng mambabatas ang programang Forward Nature: Unity Walk and Tree Planting for Montalban Day sa Wawa, Brgy. San Rafael, Montalban bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng anibersaryo ng nasabing bayan na bahagi ng lalawigan ng Rizal.

Sa pagdagsa ng mga lumahok sa programa, nanawagan si Nograles ng lubos na pagkakaisa at pagtutulungan sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan ng kapaligiran at ang bayanihan para sa pangangalaga at pag-aaruga ng kalikasan tungo sa magandang kinabukasan ng Montalban at alang-alang na rin sa susunod na henerasyon ng mga kabataan.

Ayon kay Nograles, ang programang Forward Nature na binubuo ng alay-lakad at pagtatanim ng apat na libong piraso ng sari-saring punla sa kabundukan ng Montalban ay simbolo ng pagkakaisa at bayanihan sa pagdiriwang ng ika-152 kaarawan ng Montalban.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Congressman Nograles na ang pagmamahal sa Inang Bayan at kalikasan ay tungkulin ng lahat ng Montalbenyo, kaya’t kailangan itaguyod ang mga gawain tulad ng Alay-Lakad at pagtatanim ng punla sa kabundukan upang makamtan ang malusog, malinis at mapayapang bukas na may pagpapahalaga sa mga yamang likha ng Diyos.

Matapos ang kanyang talumpati, sinimulan ni Nograles ang mahabang Unity Walk o Alay-Lakad kasama ang mahigit anim na libong residente ng Montalban na binubuo ng mga kabataan, mag-aaral, kababaihan, senior citizens, at iba pa.

Nagmartsa patungong Wawa ang grupo ni Congressman Nograles dala ang apat na libong punla o seedlings ng punungkahoy na kanilang itinanim sa mga gilid ng ilog, tabing bundok, eskwelahan, barangay at watershed o imbakan ng tubig sa Wawa.

Inaasahan na makatutulong nang malaki ang mga puno balang araw na sisipsip sa mga tubig baha at pananggalang na rin sa pagkabakbak at pagkaanod sa baha ng mga lupa sa kapaligiran.

Si Congressman Nograles ang may akda ng House Bill No. 1972, na layong magtatag ng Sierra Madre Development Authority (SMDA).

Sakaling mabuo, pamumunuan ng SMDA ang anti-illegal logging and reforestation campaigns ng gobyerno.

Ito rin ang kikilos upang maiwasan ang pagtatayo ng mga ilegal na imprastraktura at bumuo ng indigenous resources sa nasabing lugar, at magbigay ng sapat na kaalaman sa publiko hinggil sa kahalagahan ng bulubundukin.

Magiging mandato rin nito na magsagawa ng survey sa physical at natural resources ng Sierra Madre at maglatag ng komprehensibong plano upang maconserve at magamit nang maayos para maisulong ang social at economic development sa naturang rehiyon.

489

Related posts

Leave a Comment