ARESTADO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Amerikanong wanted sa Estados Unidos dahil sa umano’y mga kaso ng assault.
Dinakip ng BI Fugitive Search Unit (FSU), katuwang ang pamahalaan ng Estados Unidos, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Field Unit 11, Police Station 18 ng Davao City Police Office at iba pang intelligence units, si James Charles Davis, 53, sa isang condominium unit sa J.P. Laurel Avenue, Barangay 20-B Poblacion, Davao City.
Isinagawa ang operasyon matapos humingi ng tulong ang gobyerno ng Estados Unidos sa BI kaugnay ng kaso ni Davis, na subject ng arrest warrant na inilabas ng isang trial court sa Massachusetts ngayong taon.
Wanted si Davis kaugnay ng dalawang bilang ng assault gamit ang dangerous weapon at isang bilang ng assault, alinsunod sa batas ng Massachusetts.
Batay sa rekord ng BI, pumasok si Davis sa Pilipinas noong Marso 4 bilang turista.
Sa isinagawang beripikasyon, lumabas na wala siyang record ng visa extension o conversion matapos ang kanyang pagpasok sa bansa, dahilan upang maituring siyang overstaying foreign national.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ipinapakita ng pagkakaaresto kay Davis ang patuloy na pangako ng Bureau na makipagtulungan sa mga international law enforcement partners upang matunton ang mga dayuhang pugante at maipatupad ang mga batas sa immigration ng Pilipinas.
Pansamantalang inilagay si Davis sa kustodiya ng Police Station 18 ng Davao City Police Office habang hinihintay ang kanyang paglilipat sa Maynila.
(JOCELYN DOMENDEN)
58 