DPA ni BERNARD TAGUINOD
SA Pilipinas lang may pinakamahabang Christmas season dahil pagpatak pa lamang ng September 1 ay nagpapatugtog na ang mga tao ng Christmas songs at naglalagay na ng mga Christmas decor sa kanilang bahay.
Saka lang tinatanggal ng karamihan ang mga Christmas decor pagkatapos ng Three Kings celebration kaya tayo lang sa buong mundo ang may pinamakamahabang Christmas season.
Pero alam kaya ng buong mundo na sa Pinas ang may pinakamahabang election? Bakit kanyo? Anim na taon ang pinaghahandaan sa presidential election at tatlong taon naman sa local election.
Tingnan n’yo ngayon ang ingay ngayon sa ating bansa. Ang pinag-uusapan kahit noong nakaraang taon pa lang na kasisimula ng kasalukuyang administrasyon, ay ang 2028 presidential election na.
Una nang pinalutang ang kandidatura ni Vice President Sara Duterte na ayon sa mga bulung-bulungan sa mundo ng pulitika ay naging kasunduan nila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kaya pumayag siyang maging running mate noong nakaraang presidential election.
Siyempre ‘di yan inaamin ng kampo ni VP Sara pero mismong ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating Congressman Harry Roque ang nagsabi na kaya ‘bini-Binay’ o sinisiraan ngayon pa lamang si Inday ay dahil banta siya kay Speaker Martin Romualdez sa 2028 presidential election.
Ibig sabihin, may plano si Martin na tumakbo kaya ‘yung mga pag-iikot niya at pagsakay sa iba’t ibang isyu ay bahagi ng kanyang paghahanda sa presidential election sa 2028. ‘Di ba ang aga ng preparasyon?
Sa local executive naman, kahahalal lang ng mga congressman at mga local executive ay naghahanda na sila sa kanilang reelection kaya karaniwan ay hindi nila nagagampanan ang kanilang trabaho dahil mas importante sa kanila ang mamulitika kaysa magserbisyo muna.
Kahit ang halal na pangulo ay matindi ring mamulitika dahil kailangan niyang tiyakin na ang papalit sa kanya ay hindi niya kalaban at hindi siya buweltahan, hindi siya makasuhan at hindi magaya kina dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Joseph “Erap” Estrada na nakulong.
Ganyan ang sitwasyon ng pulitika sa ating bansa kaya ‘wag na kayong magtaka kung bakit walang nangyayari sa ating bansa dahil mas inuuna ng mga halal ng bayan ang kanilang sariling interest kaysa kapakanan ng mamamayan na sinumpaan nilang pagsisilbihan.
Pero dapat kuwidaw ang mga nagbabalak at naghahanda ngayon pa lamang sa presidential election sa 2028 dahil baka magaya sila kina dating Vice President Jejomar Binay at dating Senate President Manny Villar.
Ang tagal na pinaghandaan ng dalawa ang 2010 presidential election, ginastusan nila nang husto, pero sa isang iglap, biglang namatay si dating Pangulong Cory Aquino at naging popular bigla si Noynoy Aquino na siyang pinili ng sambayanang Filipino na maging pangulo.
200