ABS-CBN, MALABO PA MAKABALIK SA ERE

PRO HAC VICE

MUKHANG mahabang panahon pa ang bubunuin ng ABS-CBN upang muli itong makapagsahimpapawid.

Kasi nga sa ‘unanimous vote’ ng mga mahistrado ng Korte Suprema (KS), hindi nito pinagbigyan ang hirit ng Kapamilya Network na magpalabas o mag-isyu ng temporary restraining order (TRO) na hahadlang sa pag-iral ng cease and desist order (CDO) na inisyu ng National Telecommunication Commission (NTC) laban sa pagpapatuloy ng operasyon ng ABS-CBN makaraang mapaso na ang prangkisa ng nasabing network noong Mayo 4, 2020.

Sa halip na TRO, pinagkukumento ng mga mahistrado ng Supreme Court (SC) ang NTC sa inihaing petition for mandamus and prohibition ng ABS-CBN kung saan binigyan lamang ng sampung araw na walang palugit ng SC ang NTC.

Isinama na rin sa pinagpaliwanag ng KS ang mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso bilang bahagi na ng kaso.

Samantala, mayroon namang limang araw ang NTC upang sagutin ang ihahaing kumento ng Kongreso bilang bahagi nang inihaing petition ng ABS-CBN.

Sa en banc session din ng mga mahistrado ng KS kahapon, ibinasura nito ang mosyon na pag-isahin na lamang o i-consolidate ang petisyon ng Kapamilya sa kaso na may titulong Lorenzo G. Gadon vs. Hon. Alan Peter Cayetano, et al., na may G.R. No. 251932.

Matatandaang noong Lunes ay naghain pa ang ABS-CBN Corporation sa SC nang tinatawag na ‘Urgent reiterative motion’ para sa kanilang kahilingan na TRO.

Sa kanilang apila, muling hiniling ng ABS-CBN sa SC na aksyunan ang kanilang apela na maipahinto ang pag-iral ng CDO ng NTC at makapagpatuloy na silang makapag-broadcast nang tuloy-tuloy upang maprotektahan din ang diumano’y trabaho ng 11,000 nitong manggagawa.

Ayon sa kumpanya, nasa P30 milyon hanggang P35 milyon ang nawalang kita mula sa advertising simula nang ilabas ng NTC ang cease and desist order noong Mayo 5.

Nakasaad pa sa petisyon, ng ABS-CBN na kung hindi pa umano maipapatigil ang tinawag nitong severe financial hemorrhage na nararanasan ng kumpanya, maaring mauwi ito sa pagkawala ng trabaho ng mga manggagawa at pagbabawas sa sahod at benepisyo ng mga empleyado.

124

Related posts

Leave a Comment