GALIT NA SI DIGONG!

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

LUMUTANG na si Digong. Palubog na kasi nang palubog si Inday kaya kailangang isalba.

Hinila pababa si Inday ng confidential funds na siya naman ang nagpalawig at nagpalawak ng isyu. Ayaw sagutin ang pinupukol na mga tanong. Akala niya, siya ang naaapi.

Pero pwede munang magpiging kahit saglit lang ang mga kumontra sa CF ni VP Sara. Ang siste, nakatulong lang ang pag-iingay ng mga tao kaya binaklas ang CF niya sa OVP at edukasyon. Baka mas lamang na dahilan ang pagiging Speaker ni Martin Romualdez.

Maaga pa kasi, pinagsasabong na sina Inday at Martin sa pagkapangulo sa 2028.

Ang bilis ng tupada. Ang tulin kumaripas, at nalagpasan pa ang BSKE at midterm election.

Kaya siguro lumutang si Digong, bitbit muli ang dating style.

Hindi raw tatakbo si Inday sa pagkapangulo. Ganyan ang pakulo ni Digong noong 2016 kaya halata ang tunay na galaw ng taga-Davao.

Dami kasing nauuto sa pautot ni Tatay kaya tiyak na tatakbo si Inday.

Nagiging demanding na nga si Digong. Kapag tumakbo raw na presidente si Romualdez ay hihingi siya ng audit para malaman kung paano nito ginagastos ang pondo.

Teka, ang lakas ng loob na humingi ng liquidation gayung siya mismo ay galit sa COA at ayaw maglabas ng SALN nung mga panahong tinuturing niya ang sarili na hari ng Pinas.

Paano natin paniniwalaan at seseryosohin ang mensahe? Tama nga ang mensahe lalo pa’t nabunyag ang nakalululang ‘extraordinary expenses’ ng Kongreso ngunit maling mensahero ang naghatid kaya wala ring dating.

Tiyak na marami pang boladas at patutsada ang gagawin ni Digong.

Sabagay, kahit maglabo-labo, magtirahan sila ay ang taumbayan ang laging talo.

Napansin n’yo rin siguro na tila hindi naman nakatulong ang pagputak ng dating Pangulo.

Kung babasahin ang mga komento sa social media, naroon pa rin ang galit ng mga tao sa hindi maipaliwanag na confidential at intelligence funds ni VP Sara. Naungkat pa nga maging ang kanyang secret funds noong siya ang mayor ng Davao City.

Ang kagandahan sa pag-iingay ni Digong ay nabuksan din ang isipan ng iba hinggil sa paggasta ng Kongreso.

Iyon nga lang, sana isinabay niya sa hamon kay Romualdez ang kasiguruhan na isasapubliko rin ni Inday Sara kung paano rin niya inubos ang kanyang confidential funds.

Lumalabas kasi na sumaklolo si Digong para ibaling sa iba ang tingin ng publiko, ‘yun nga lang sablay.

120

Related posts

Leave a Comment