HANDA KA NA BA TALAGA NA MAG-ABROAD? 

BANTAY OFW

Sa pagkakataong ito ay akin namang bibigyang daan ang isang liham ng isang Kabayani na si Rona Nabio Prudente. Kanyang ibinahagi ang karanasan at kung paanong ang kanyang inaakalang magandang daratnan sa ibang bansa ay naging kaiba sa kanyang naranasan.

Tulad nga ng aking laging nababangit sa ating Bantay OFW Teleradyo, marami ang nahihikayat na mga kababayan na mag-abroad dahil sa inaakala nilang masarap ang buhay, maraming pagkain, maraming mansanas at tsokolate at malamig ang bahay na pagtatrabahuhan dahil lahat ay airconditioned.

Subalit, sa kanilang pagdating sa bansang kanilang pagtatrabahuhan ay doon na nila matutuklasan na sila ay pagdadamutan ng pagkain, masyadong malaki ang bahay na lilinisin at iba pa.

Heto ang kuwento ni Prudente na dineployed ng Asia World Recruitment Agency. Inc.

“Ako po si Rona Nabio Prudente nag-abroad po ako bitbit ang pangarap na makaipon para sa dalawa kong anak, mapaayos ang bahay at kahit paano ay magkaroon ng kaunting negosyo. Pero sa kalagayan ko ngayon mukhang hindi ko lahat makakamit iyan kasi tama ang sabi nila swertihan talaga ang mag-abroad.

“Pagdating ko rito sa Kuwait ang kapatid ng employer ko ang sumundo sa akin sa agency at doon ako nagtrabaho ng 4 days. Kinagabihan ng pang 4 days ko doon kinausap ako ni Madam na hindi raw nila kaya ang sweldo ko na120 KWD kaya transfer nila ako sa ibang bahay.

Nag-okay naman ako kasi wala naman akong magawa pero sinabi ko, “Pwede tumawag muna sa agency ko para alam nila?” Ang sabi sa akin, “No Need” kasi kamag-anak o kaibigan nila ang lilipatan ko.

Kinabukasan, hinatid na nila ako sa bahay ng kung saan nandito ako ngayon. Noong una ok naman. Lima (5) silang lahat sa loob ng bahay. Malaki syempre ang bahay 3rd floor, 5 ang kuwarto, 5 ang bathroom, 3 ang receiving area nila o sala. At may basement pa kung saan ang kusina, kuwarto ko at bodega.

“Araw-araw linis doon linis dito. Magluluto, maglalaba, plantsa at may sideline pa na utos dito utos doon. ‘Di mo pa alam kung sino uunahin mo kasi ikaw lang ang mag-isa ang gumagalaw sa bahay mula pag-gising ng 5:45 to 12:00am kasi swertihan na matapos ang lahat ng trabaho ng 10:00 o 11:00pm.”

Bagamat, hindi naman humihingi ng saklolo si Prudente ay hinihiling natin sa kanyang ahensya na Asia World Recruitment Agency. Inc. na siguruhin na lagi siyang namo-monitor at kumustahin ang kanyang kalagayan. (Bantay OFW / Dr. Chie League Umandap)

229

Related posts

Leave a Comment