‘MASSIVE ATTEMPT TO COVER-UP’ SA P6.7-B, 990 KG SHABU

PUNA Ni JOEL AMONGO

ISANG malaking hamon ngayon kay Department of The Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos kung paano niya reresolbahin ang pagkakahuli kay Police Master Sergeant Rodolfo Mayo na nag-imbak ng 990 kg ng shabuy na P6.7 billion ang halaga.

Matatandaan noong Oktubre 8, 2022, nahuli si Mayo sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad sa Tondo, Maynila na naging dahilan ng pagkakakumpiska ng 990 kg ng shabu na nagkakahalaga ng P6.7 billion.

Noong nakaraan ay nanggaling mismo kay Abalos ang pahayag na may “massive attempt to cover-up” sa nasabing operasyon.

Kung pagbabasehan natin ang mga pahayag ni Sec. Abalos sa mga taga-media kaugnay sa pangyayari sa nakitang video, lumalabas na dismayado siya.

Kaya lahat ng mga opisyal ng pulisya na nakita sa recordings ng video ay pinag-leave muna niya.

Kabilang sa mga ito ay sina Deputy Chief PNP for Operations Lt. General Benjamin Santos, Jr.; PDEG Director BGen. Narciso Domingo; PDEG SOU 4A Chief Col. Julian Olonan; PDEG SOU 4A Head Arrest Team Cpt. Jonathan Sosongco (Head Arrest Team PDEG SOU AA); PDEG SOU NCR OIC Lt. Col. Arnulfo Ibañez (OIC, PDEG SOU NCR); PDEG SOU NCR Maj. Michael Angelo C. Salmingo; Quezon City Police District Lt. Col. Glenn C. Gonzales; PDEG Intelligence and Foreign Liaison Intelligence Officer Lt. Ashrap Amerol; Manila PO Moriones Station Commander Lt. Col. Harry Loronzo III at PDEG SOU 4A Intelligence Section chief Cpt. Randolph A Piñon.

Layunin ni Abalos sa kanyang panawagan na mag-leave ang mga opisyal na ito para hindi maimpluwesiyahan ang isinasagawang imbestigasyon sa nasabing isyu.

Hindi maiwasan sa mga opisyal na ito na pinagdudahan sila ng kalihim na sangkot sila sa sinasabing cover-up.

Kaya naman ilan sa kanila ay nag-react kasama na sina Lt. Gen. Santos at BGen. Domingo.

Natural itatanggi nilang sila kasama sa sinasabi ni Abalos na tangkang cover-up.

Kaya dapat patugain pa itong si Mayo para ikanta niya ang mga opisyal ng PNP na nasa likod niya.

Hindi dapat tantanan ng gobyerno ang imbestigasyon tungkol dito at tiyakin na kahit sinong Poncio Pilato na masasapol dito ay kailangang mapanagot.

May narinig ang PUNA na si PNP chief Gen. Rodolfo Azurin ay kamag-anak daw ni Lt. Gen. Santos, totoo kaya ito?

Natatandaan pa natin na si Mayo ang naging dahilan ng panawagan ni Abalos na magsumite ng kanilang courtesy resignation ang pinakamatataas na mga opisyal ng pulisya.

Hindi maiwasan na makaladkad ang hanay ng pulisya sa isyung ito dahil ang pinag-uusapan dito ay ang matataas na mga opisyal nito.

Kaya nakasalalay kay SILG Abalos kung paano niyang reresolbahin ang usaping ito na hindi mawiwindang ang buong hanay ng PNP.

Abangan na lang natin ang susunod na kabanata.

oOo

Para sa sumbong at reaksyon, mag-email joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

148

Related posts

Leave a Comment