MR. BONDAT BOOKER NAMAMAYAGPAG SA PANGASINAN AT BAGUIO CITY

PUNA NI JOEL AMONGO

NAMUMUTOK na ang tiyan sa kabusugan itong tinaguriang Mr. Bondat Booker at kolektor ng illegal na pasugalan sa buong Pangasinan.

Si Mr. Bondat daw ang taga-kolekta ng intelehensya sa mga illegal na pasugalan sa nasabing lalawigan ng kanyang mga amo na tulad sa kanya ay nananaba lang sa kabusugan mula sa sugal.

Bukod sa Pangasinan, nasakop na rin pala ni Mr. Bondat Booker ang Baguio City sa lugar ni Mayor Benjamin Magalong?

Ibig sabihin, napasok na ni Mr. Bondat ang lugar ni Magalong na kilala bilang dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Camp Crame?

Kung ganoon nga kalawak ang nasakop ni Mr. Bondat ng kanyang ilegal na aktibidad, talaga nga namang tuluyang puputok sa laki ang tiyan nito sa kabusugan mula sa koleksyon niya sa mga pasugalan.

Everybody’s happy raw kay Mr. Bondat ang mga awtoridad na nasasakupan ng mga pasugalan na kinokolektahan niya?

Teka muna, alam kaya ng bagong hepe ng pulisya na si Gen. Benjamin Acorda, Jr. na ang mga pulis na nasa ilalim niya ay busog din mula kay Mr. Bondat?

Naku! Ayaw ni Gen. Acorda ng ganyan, nagpahayag pa naman siya kamakailan sa kauna-unahan niyang press conference na magiging bukas at transparent siya sa media at taumbayan.

Ibig sabihin niyan, lahat ay pwede nang magsumbong sa kanya maging ordinaryong mamamayan ka man o nasa hanay ng media.

Kaya ikaw, Mr. Bondat ay maghanda-handa na, siguradong hindi magtatagal ang pamamayagpag mo sa Pangasinan at Baguio City.

Malamang nalulusutan itong si dating General at Mayor Magalong ng Baguio City, kaya pati lugar niya ay napasok din ni Mr. Bondat.

Sinasamantala ni Mr. Bondat na maluwag na naman ngayon mula sa mahigit dalawang taong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Kung itong dalawang taon na nakalipas ay pumayat si Mr. Bondat dahil sa tigil lahat ng mga pasugalan bunsod ng pananalasa ng COVID-19, ngayon muli na namang mamamantikaan ang kanilang lips.

Lalo na kung hindi sa pasugalan ang focus ngayon ng bagong talagang hepe ng pulisya na si Gen. Acorda.

Sa isinagawang presscon, sinabi rin ni Gen. Acorda na hindi muna magkakaroon ng pagbalasa sa hanay ng pulisya.

Pansamantala munang hindi maaapektuhan ang operasyon nina Mr. Bondat sa Pangasinan at Baguio City, siyempre.

Maaari rin namang tuloy ang ligaya nina Mr. Bondat pagkatapos ng balasahan ng pulisya, kung papayag sa kanilang alok ang mga papalit na mga opisyal ng PNP sa Pangasinan at Baguio City. Ganoon lang ‘yun, kung ayaw tigil, ‘di ba mga bossing?

oOo

Para sa sumbong at reklamo, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

146

Related posts

Leave a Comment