IIMBESTIGAHAN ng Kamara ang pagkasunog ng gusali ng Manila Central Post Office. Ito ay bunsod ng House Resolution (HR) 1019 ng 42 mambabatas sa pangunguna ni 4th District Pangasinan Rep. Christopher de Venecia, chairman ng House Committee on Creative Industry and Performing Arts at ng lahat ng mga miyembro ng komite.
Pagdinig “in aid of legislation” na naman. Kaswal na lahat ng pagdinig at imbestigasyon ay ikinakasa in aid of legislation, ngunit madalas hindi binibigyan ng sapat na atensyon ang isyu, bagkus ay hindi naging parte ng batas na gustong isulong ng mga mambabatas. Marami na ang naging pagdinig at imbestigasyon sa Kongreso, ngunit higit na lumulutang ang pagpapasikat ng mga mambabatas na tila sumasakay sa isyu upang mapansin, pag-usapan at ituring na buhay pa at aktibo sa pagganap sa kanilang tungkulin.
Sa mga isyung nangangailangan ng agarang aksyon, dapat ay agad na humantong ang pagdinig sa madaling hakbang sa ikalulutas ng anomang kontrobersiya. Kung papansinin ang ibang imbestigasyon, hindi minamadali ang pagbibigay ng solusyon. Sa halip, lumilihis ito sa tunay na paksa, pinatatagal kaya nababalam. Ang higit na masaklap: nalilihis ng daan kaya walang kinahahantungan.
Sayang ang oras, at lalong sayang ang salaping nilulustay sa in aid of legislation na imbestigasyon at pagdinig. At sa halip na maayos ang talakayan, ito ay nagugulo dahil ang mga nagpapaligsahan sa in aid of legislation ay hindi alam ang konsepto ng legislation.
Maganda sana kung ito ay tunay na drama at ang pakay ay ang magandang talakayan na magreresulta sa totoong batas na gustong isulong. Kaso, sa ibang landas ito itinutulak – sa landas ng popularidad ng mga solon, na naghahanap ng cologne para bumango.
Samantala, ikinalulungkot ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) ang pagkasunog ng gusali ng Manila Central Post Office Building, isang mahalagang yamang pangkalinangan at isang mahalagang bahagi ng pambansang pamana.
Handang tumulong ang NCCA hindi lamang sa pag-aayos ng nasirang gusali, kundi maging sa pagbabalik ng normal na operasyon ng Philippine Postal Corporation (PHLPost).
Handa rin bang tumulong at makiisa ang ibang sangay pang-kultura at ibang kagawaran ng pamahalaan sa adhikaing ito? Sa gawa, hindi sa salita.
