CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HINIHINGI ng gobyerno ang sakripisyo ng mga rice retailer para sa ikabubuti ng mamamayan.
Ito ang pahayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Asst. Sec. Agaton Uvero makaraang magreklamo ang mga nagbebenta ng bigas na maaaring malugi matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng price ceiling para sa regular milled rice sa presyong P41 kada kilo at P45 kada kilo naman ang well-milled rice na P45 per kilo.
Pwede naman daw mabenta na hindi lugi pero wala lang kita, at pansamantala lang ito, pagtiyak ni Uvero sa mga nagbebenta ng bigas.
Pansamantala lang daw ito habang hinihintay ng pamahalaan ang pagdating ng mga inangkat na bigas.
Bakit kailangang magsakripisyo ang maliliit? Kung ito ay pansamantalang hakbang at hindi naman solusyon sa problema, ay gaano katagal ito maaayos?
Ang gobyerno ay nasa proseso ng konsepto ng posibleng tulong para sa micro, small at medium rice retailers na maaapektuhan ng patakaran.
Ibig sabihin, pinag-uusapan pa lang, at puwedeng matagalan o hindi maipatupad kaya ang sakripisyo ay magiging dusa.
Ang price cap sa bigas ay sisimulang ipatupad sa Setyembre 5.
Ang DTI, Department of Agriculture, gayundin ang lokal na pamahalaan ay magmamatyag sa mga palengke para alamin kung sumusunod sa kautusan ang mga nagbebenta ng bigas. Ang magbebenta ng higit sa itinakdang presyo ay makatatanggap ng abiso mula sa gobyerno, at maaaring pagmultahin ng mula P5,000 hanggang P1 million.
Bakit humantong sa price ceiling, sakripisyo ng mga retailer, at multa ang problema sa presyo ng bigas?
Para mapababa ang presyo ng bigas, sinabi ni Senadora Risa Hontiveros na kailangan sugpuin ang kartel at hoarding nito sa halip na magpataw ng price ceiling ang gobyerno.
Ang price controls, ayon sa senadora, ay lunas na maaaring mas malala kaysa sakit. At ito ay trabahong tamad.
Para naman kay Senador Joseph Victor Ejercito, ang kailangang gawin ay tutukan at umaksyon laban sa smuggling, profiteering, cartels at hoarding para umunlad ang industriya ng agrikultura at para maging matatag ang presyo ng bigas at iba pang agri products.
Ayon sa opisyal ng DTI, ipinataw ang price cap dahil sa pag-aaral na ang pagtaas ng presyo ng bigas ay artipisyal. Malinaw na may ebidensya ng hoarding, profiteering and price manipulation. Kailangan imbestigahan at puntahan ‘yung mga bodega.
Matagal na ang ganyang pahayag – tugisin at hanapin ang hoarder at nagmamanipula ng presyuhan ng bigas, ngunit wala pa bang nahanap ang mga inutusan?
Nag-aalala na ang Federation of Free Farmers sa epekto ng order ng gobyerno dahil may ulat ang mga magsasaka mula Pampanga at Sultan Kudarat na mayroon nang bawas na P3 kada kilo sa presyo ng palay.
Ang price cap ba ni Marcos Jr. ay pambawi lang sa imposibleng P20 kada kilo ng bigas na pangako niya noong panahon ng kanyang panunuyo? Ang mahalaga ay bababa ngayon ang presyo ng bigas kahit doble pa rin ang halaga sa ipinangakong bente. Puwede nang sabihing may ginawa, pero hinihiling ang sakripisyo ng mga tao.
Sana alam din ng mga nasa gobyerno kung paano magsakripisyo at hindi puro kapritso ang gusto.
281