PUNA Ni JOEL AMONGO
DAHIL ba ayaw ko ng shortcut na ginawa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na apela niyang courtesy resignation sa full coronels at generals sa Philippine National Police (PNP), ay pinipersonal niya ako?
‘Yan ang katanungan ni Negros Oriental 3rd District Cong. Arnolfo “Arnie” Teves, Jr., kay Abalos sa harapan ng mga taga-media sa isinagawang press conference sa Valle Verde Country Club, Pasig City noong Huwebes, Enero 12, 2023.
Kasama ni Teves sa nasabing prescon ang kanyang legal team sa pamumuno ni Atty. Ferdinand Topacio, na nagpaliwanag kung bakit sila biglaang nagpatawag ng mga taga-media.
Ayon kay Teves, ayaw niya sa ginawa ni Abalos na panawagan o apelang pinagre-resign niya ang mga opisyales ng pulisya dahil wala itong due process.
Sinabi pa ni Teves na sang-ayon siya sa paglilinis sa hanay ng pulisya pero hindi siya pabor sa ginawang shortcut na ginawa ni Abalos.
Ibinunyag din ni Teves na nakatanggap siya ng impormasyon na planong ipa-raid ang kanyang bahay at kung walang makukuhang ebidensiya ay lagyan para madiin at tuluyan siyang makulong.
Binanggit pa ni Teves na patuloy siyang iniuugnay sa e-sabong na kung saan ay matagal na siyang walang kinalaman sa naturang sugal.
Pinuna rin ni Teves ang pagiging malapit ni Abalos sa kanilang kalaban sa pulitika na si Negros Oriental Gov. Roel Degamo.
Kasabay nito ang pagkwestiyon din niya sa sampung militar na bodyguards ni Degamo.
Ayon pa sa kongresista, kung sasang-ayon siya sa ginawang shortcut na apela ni SILG Abalos sa full coronels at generals, ay magiging balewala ang kanilang pagiging mambabatas.
Sang-ayon naman si Atty. Topacio sa pahayag ni Cong. Teves na hindi pwede ang ginawa ni Abalos na shortcut.
Kaya sila naman ang umaapela kay Abalos na tantanan nila si Cong. Teves.
Subalit sa kabila ng pakiusap ni Atty. Topacio ay nakahanda naman ang kanilang legal team na sagutin ang lahat na mga ibabato ng kampo ni Abalos laban kay Cong. Teves.
oOo
Humihingi po ng pasensiya ang PUNA kay P/Lt. Col Aldrin Thompson ng Valenzuela City Police, dahil bumaba ang kanyang ranggo na naging P/Lt. Aldrin Thompson na lang.
Alam natin ang ranggo ni sir Thomson ay P/Lt. Col. dahil madalas natin siyang nakakausap, maaaring nabura ang Col. kaya naging P/Lt. ang lumabas sa kolum.
Kamakailan ay nagsagawa ng outreach program ang grupo ni Lt. Col. Aldrin Thompson sa mahigit tatlong daang tribong Dumagat sa Sitio Karahume, Brgy. San Isidro, San Jose del Monte, Bulacan noong nakaraang Biyernes, Enero 6, 2023.
Isa ang PUNA sa mga taga-media na mapalad na naimbitahan sa mahalagang okasyon na pagmamalasakit sa ating mga kababayang mga katutubo.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
233