LUCENA CITY – Nagbigti sa kadena ang isang mangingisda sa kanyang bahay matapos mabatid na sumama sa ibang lalaki ang kanyang live-in partner.
Bandang alas-4:20 noong Martes ng hapon nang madiskubre ng pamangkin na nakabigti ang biktimang kinilalang si Rossel Perez, 34-anyos, sa bahay nito sa Barangay Barra.
Gumamit ang biktima ng kadena ng aso na ikinabit sa kanyang leeg at itinali sa kisame ng bahay.
Batay sa report, bandang tanghali ay nakipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan at kaanak at pagkaraan ay nagpaalam para umuwi upang aniya ay magpakamatay.
Sa pag-aakalang nagbibiro lamang ay pinagtawanan pa ito ng mga kainuman.
Ayon sa ilang kapitbahay, kumanta pa at sumayaw sa loob ng kanyang bahay ang biktima bago ito nagsarado at nagpatiwakal.
Sinabi naman ng sa hipag, kararating lang ng biktima galing Laguna kung saan nagtatrabaho ang live-in partner nito.
Subalit nakipaghiwalay na umano ang babae dahil may bago na itong kinakasama na naging dahilan para tapusin ng biktima ang kanyang buhay. (NILOU DEL CARMEN)
354 