TINATAYANG umabot sa P1.08 bilyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa serye ng anti-narcotics operation na inilunsad ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong nakalipas na linggo.
Ayon kay PDEA Director General Usec. Isagani Nerez, kabilang sa 63 anti-drug operations ang 44 buy-busts, pitong marijuana eradication missions, pitong search and seizure raids, at limang interdiction efforts na nagresulta sa pagkakaaresto sa 91 indibidwal.
Bahagi ang mga operasyon ng pinaigting na kampanya ng PDEA, sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na paigtingin ang kanilang kampanya kontra droga, at pagtugis sa mga sangkot sa illegal drug trade kabilang ang pushers at big time drug distributors.
Umabot sa 156,407.80 gramo ng shabu ang nakumpiska, 80.94 gramo ng dried marijuana leaves, 5,000 gramo ng dried marijuana stalks, at 61,662 marijuana plants ang nasamsam sa isinagawang mga operasyon.
Noong Mayo 26, nagresulta ang PDEA raid sa Barangay Pampang, Angeles City, Pampanga, sa pagkakadiskubre sa P1 bilyong halaga ng shabu.
“These accomplishments reflect our dedication to integrity, service, and public safety. We will remain vigilant and relentless in our mission to free our communities from the threat of illegal drugs,” pahayag ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez.
(JESSE KABEL RUIZ)
