(NI BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T hindi pa legal ang paggamit ng medical marijuana sa bansa, ipinanukala ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na paglaanan na ng pondo na aabot sa P1.3 Billion ang marijuana research.
Sa House Bill 3961, iminungkahi ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte na magkaroon na ng pag-aaral o research sa marijuana ukol sa mga naitutulong ng damong ito sa kalusugan ng mga tao.
Sinabi ni Villafuerte sa kanyang panukala na ang marijuana ay 6,000 taon na umanong itinatanim ng mga tao at noong 1937 aniya, ay ipinagagamit ito ng mga doctor sa United States (US) sa kanilang mga pasyente.
“Even while cannabis was banned, blacklisted and was the subject of several fake news for 81 years, scientist continued to study its healing potential,” ani Villafuerte kaya maging ang US government aniya ay nagbigay $4.5 million kay Dr. Raphael Mechoulam, isang Israeli organic chemist sa kanyang research sa medical marijuana.
Dahil dito, nais ng mambabatas na magkaroon na rin kahalintulad na research sa Pilipinas upang matulungan ang mga tao na nangangailangan ng medical marijuana sa kanilang karamdaman.
Agad naman itong binugahan ng pagkontra ni Buhay party-list Lito Atienza na kilalang kontra sa paggamit ng medical marijuana dahil isa umano itong droga na sumisira sa buhay ng mga tao.
“Why should Congress provide money for research into and the development of an illegal substance? If wealthy nations wish to squander public funds on marijuana research, then that’s up to them. But in our case, we don’t need it, and we certainly can’t afford it,” ani Atienza.
Imbes na pondohan aniya ito ng gobyerno, gamitin na lamang ang perang ito sa School-Based Feeding Program para sa mga mahihirap na estudyante kung saan mapatataba pa aniya ang may 677,000 kabataan sa loob lamang ng 120 araw.
Unang lumusot sa Kamara ang medical marijuana bill na iniakda ni dating Isabela Rep. Rodito Albano noong 17th Congress subalit hindi ito nakapasa sa Senado kaya muli itong ihinain ngayong 18th Congress ng kanyang kapatid na si Isabela Rep. Tonypet Albano.
