ISANG simpleng traffic violation lang, pero umeksena ang malas para sa mga driver ng truck at van matapos mabulgar ang kargang smuggled goods na halos P1.9 milyon ang halaga sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay PNP-Highway Patrol Group (HPG) spokesperson Lt. Nodame Malang, dalawang truck ng puting sibuyas ang sinita sa Carlos Palanca Street dahil sa seatbelt at plate number violation.
Pero nang inspeksyunin, lumitaw na walang lisensya ang driver at 200 sako ng imported onions mula China na nagkakahalaga ng P1.35 milyon ang laman ng truck.
Samantala, isang van naman na kargado ng pekeng sigarilyo na aabot sa P600,000 ang nasakote habang nagkakarga sa tapat ng isang bakery sa Quinta Market. Inamin ng driver na peke ang mga yosi at walang maipakitang dokumento.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP-HPG ang mga driver habang inihahanda ang kaso laban sa kanila sa ilalim ng Consumer Act at iba pang batas.
“Kung hindi dumaan sa tamang tax, dapat managot. Kailangan patas sa mga lehitimong negosyante,” giit ni Malang.
(JESSE RUIZ)
67
