Sa kaso ng helmet violation LTO KAILANGANG PATUNAYAN BATAYAN SA SUSPENSYON NG LISENSYA

MAAARING pagmultahin si Quezon City Councilor Rannie Ludovica dahil sa umano’y paglabag sa batas na nag-uutos sa pagsusuot ng motorcycle helmet, ngunit kailangan pang patunayan ng Land Transportation Office (LTO) ang sapat na batayan kung sususpendihin ang kanyang lisensya, ayon kay Lawyers for Commuter Safety and Protection (LCSP) founder Atty. Ariel Inton.

Ito ay kasunod ng pag-isyu ng LTO ng show cause order laban kay Ludovica dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act No. 10054 o Motorcycle Helmet Act of 2009, na nag-aatas sa lahat ng motorcycle rider, kabilang ang driver at back rider, na magsuot ng standard protective helmet sa lahat ng biyahe, maikli man o mahaba, at sa anomang uri ng kalsada o highway.

Sa paliwanag ni Inton, iginiit umano ni Ludovica na may mga ordinansa sa ilang barangay na kinumpirma ng Quezon City Council na nagbabawal sa pagsusuot ng helmet sa ilang lugar. Sinabi rin ng konsehal na kuha ang video sa kanya habang nagsasagawa ng crime prevention operation laban sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga at iba pang krimen.

Ayon pa sa konsehal, matagal na niyang ginagawa ang naturang operasyon kaya nagtataka siya kung bakit ngayon lamang siya nasita sa hindi pagsusuot ng helmet.

Bukod sa mga ordinansa ng barangay, binanggit din ni Inton ang Quezon City Ordinance SP-2765, S-2018, na nag-aatas sa mga motorcycle driver at pasahero na magtanggal ng helmet, headgear, face mask o anomang bagay na maaaring magtago sa kanilang pagkakakilanlan kapag pumapasok sa mga establisimyento gaya ng mga mall, tindahan at iba pang pampublikong pasilidad.

Gayunman, binigyang-diin ni Inton na bagama’t may kapangyarihan ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng kanilang mga ordinansa, hindi nangangahulugang awtomatiko nang mananaig ang mga ito kung sumasalungat sa pambansang batas.

Ayon sa kanya, nananatiling ipinagpapalagay na balido ang isang ordinansa hangga’t hindi ito idinedeklarang labag sa batas o saligang-batas ng hukuman. Dahil dito, hindi sapat ang opinyon lamang ng isang abogado, mambabatas o ahensiya upang ideklarang walang bisa ang isang ordinansa.

Ginamit din ni Inton bilang halimbawa ang patuloy na pagkumpiska ng ilang lokal na pamahalaan sa mga lisensya ng mga motorista, kahit ang LTO ang pangunahing ahensiyang may kapangyarihan sa pag-isyu at pangangasiwa ng mga lisensya sa pagmamaneho.

Samantala, sinabi ni Inton na maaaring patawan ng kaukulang multa si Ludovica alinsunod sa umiiral na batas.

Ngunit pagdating sa posibleng suspensyon ng lisensiya dahil sa pagiging improper driver, kailangang patunayan ng LTO na ang hindi pagsusuot ng helmet ay maituturing na matinding paglabag, agresibo o hindi etikal na asal na naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng publiko, o nagpapakita ng ganap na kawalan ng disiplina sa kalsada.

67

Related posts

Leave a Comment