LAGUNA – Laking gulat ng mga residente ng Spring Homes Subdivision sa Brgy. Bucal, sa Calamba City nang matagpuan ang isang inabandonang bag na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga.
Isang residente ang nakakita sa plastic zip-lock bag na iniwan sa Daisy Street pasado alas-4:00 ng hapon noong Martes.
Matapos makatanggap ng impormasyon, agad napasugod sa lugar ang mga tauhan ng Calamba City Police.
Sa kanilang pagsisiyasat, natuklasang pitong plastic sachets ng hinihinalang shabu ang laman ng bag na iniwan sa gilid ng kalsada.
Tinatayang 35 gramo kabuuang timbang nito at may standard price na P238,000.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam kung saan nanggaling ang nasabing ilegal na droga at kung bakit iniwan sa naturang lugar. (NILOU DEL CARMEN)
