TINATAYANG aabot sa P292.4 milyon ang halaga ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Manila International Container Port (MICP).
Ang halos 43 kilo ng shabu ay ikinubli sa mga fabric pouch na pinagmukhang talc stones at tinangkang ipuslit sa Pilipinas mula Afghanistan.
Ang kontrabando ay isinakay sa dalawang 20-foot container na idineklarang naglalaman ng “talc stones.”
Isinailalim sa 100% physical examination ang mga shipment matapos ang profiling ng BOC at monitoring sa mga high-risk shipment.
Nabatid na agad na naghinala ang mga tauhan ng PDEA at BOC dahil kahawig umano ng naturang modus ang Afghanistan-linked container na idineklarang naglalaman ng “marble” na nasabat din sa MICP noong Pebrero 10, 2026.
Sa naturang shipment, nakumpiska ang 40 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P272 milyon.
Ayon kay PDEA National Capital Region Office Director Derrick Carreon, nadiskubre sa isinagawang pagsusuri na ang ilegal na droga ay itinago sa mga fabric pouch na binalutan ng plaster of Paris upang magmukhang talc stones na idineklarang laman ng shipment.
Ayon naman kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, patunay ang operasyon sa pagiging epektibo ng mahigpit na profiling at risk management ng Aduana sa pagtukoy at pagpigil sa mga high-risk shipment.
Sinabi ni Nepomuceno na sa pamamagitan ng pagtukoy sa mga paulit-ulit na smuggling pattern at mahigpit na monitoring sa mga high-risk shipment ay napalalakas ang kakayahan ng pamahalaan na pigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.
Isinagawa ang joint examination ng PDEA at BOC sa pamamagitan ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), X-ray Inspection Project (XIP) at iba pang law enforcement units.
(JESSE RUIZ)
62 